SA BUWAN NG MGA KABABAIHAN, ALALAHANIN ANG LAHAT NG BABAE

Tapos na ang kabanata sa buhay ng kababaihan kung saan sa mahabang panahon ay nasusukat ang kanilang kahalagahan ng sinasabing “stereotype” na sa makasaysayang limitasyon sa kanilang kakayahan at kahalagahan ay napagpunyagian na at nalabanan. Napatunayan na ng mga kababaihan na kaya rin nilang pumasok at gumanap sa mga trabaho, gawain at iba’t-ibang larangan at hindi natin maitatatwa ang mga kamangha-manghang mga babae sa larangan ng entrepreneurship, sining, palakasan, akademiya, pulitika at maging sa kapulisan at sandatahang lakas ng bansa – na tunay ngang nangingibabaw sila.

Katunayan sa pagiging aktibo at pangingibabaw ng mga kababaihan ay, nasa 24 porsiyento ng mga kawani ng Baguio City Police Office (BCPO) o halos isang-kapat ng kasalukuyang puwersa ng nasabing kapulisan ng Lungsod ng Baguio ay mga babae – na isang pagsunod sa mga umiiral na batas, mga patakaran at regulasyon. Sa kabuuang 1,388 na police personnel na naikalat sa iba’t-ibang istasyon, 339 ay mga babae na katumbas ng isang-kapat ng puwersa ng
kapulisan sa lungsod. Nasa 10 hanggang 20 porsiyento ng mga tagapagpatupad ng batas na kukunin ng Philippine National Police (PNP) kung mayroong recruitment ay nakareserba sa mga babae.

Ilan na bang kababaihan noon at ngayon ang nasa matataas na posisyon sa bansa? Maliban sa dalawang naging pangulo at dalawang pangalawang pangulo ay, may mga hukom, mga senador at kongresista, mga sekretarya ng iba’-tibang ahensiya ng gobyerno, mga lider sa komunidad at mga kilusan, at ang kasalukuyang mataas na tagapag-salita ng PNP at AFP ay kapuwa mga babae. Tunay ngang kamangha-mangha ang nagiging ambag na ng mga kababaihan sa lipunan at bansa, ngunit mayroon pa tayong dapat bigyan pugay at parangal maliban sa mga babaing propesyunal at nakarating sa mga tugatog ng kani-kanilang larangan – ang mga babaing may sariling pakikipagbaka sa buhay.

Sila ang mga babaing naging biktima ng mga pagkakataon, biktima ng karahasan at pang-aapi at mga babaing itinaguyod ng mag-isa ang pamilya sa gitna ng kahirapan at matinding pagsubok at paghamak – sila ang mga solo-parents. Sa ulat ng Social Welfare and Development Office (CSWDO) ay mas marami nang mga babae ang bumabasag ng kanilang katahimikan laban sa mga karahasan na base sa kasarian, magandang balita ito para sa Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso. Ayon sa ulat, mayroong 244 naitalang mga akso ng Women in Especially Difficult Circumstances (WEDC) na tinulungan noong nakaraang taon ng Local Council Against Trafficking – Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC) sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Karamihan ng mga kaso ng WEDC ay physical injuries – 148; sinundan ng psychological abuse – 52; sexual – 40; at, apat na economic abuse o kakulangan ng pinansiyal na suporta sa pamilya. Sa kabuuang mga kaso ay anim ang nakitang nauulit na pambibiktima, 31 sa mga biktima ang itinuloy ang pagpila ng mga kaso sa korte habang ang 213 ay pinag-isang mga kaso at kumuha ng social services ng lungsod gaya ng counselling interventions kapuwa para sa mga biktima at salarin. Karamihan o 36.48 porsiyento ng mga bikitma ay edad 20 hanggang 29 taong-gulang; sinundan ng 32.38 porsiyento na edad 30-39 taong-gulang;17.62 porsiyento ay 40-49 taong-gulang; 7.79 porsiyento ay 50-59 taong-gulang; at 4.92 porsiyento ay 18-19 taong-gulang.

May biktima rin na 60 taong-gulang pataas ang naitala noong nakaraang taon. Marahil ay tapos na nga ang panahon kung saan tanging mga kalalakihan ang namamayagpag at unti-unti nang nakikilala at nabibigyan-pansin ang kahalagahan at pantay na kakayahan ng mga babae. Higit sa lahat at sa lahat ng pagkakataon ay dapat ibigay ang pagmamahal at respeto sa mga kababaihan dahil kasaysayan na rin ang magpapatunay na malakas din silang katuwang sa pag-unlad at pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa komunidad at buong bansa. Hindi lamang sa tuwing buwan ng Marso dapat silang alalahanin kundi sa lahat ng araw bigkis ng pantay-pantay na karapatan at oportunidad sa lahat ng larangan. Maligaya at malayang Buwan ng mga Kababaihan sa inyong lahat, saludo kami sa inyo!

Amianan Balita Ngayon