SA PAGDAGSA NG MGA ESTUDYANTENG TSINO, DAPAT BANG IKABAHALA O OVERACTING LANG TAYO?

Naalarma ang mga opisyal ng Pilipinas sa biglang pagdagsa ng mga mamamayang Tsino sa probinsiya ng Cagayan na nasa dulong Hilaga ng Luzon na nakaharap sa Taiwan. Inilalarawan ito na isang “gumagapang na pagsalakay” na kailangan daw na agad imbestigahan ng mga puwersang pangseguridad ng bansa. Sa ulat ay nasa higit 4,600 intsik ang naitala at naninirahan sa mga lugar ng Cagayan at naka-enroll sa iba’t-ibang unibersidad sa lungsod ng Tuguegarao. Ayon sa mga analysts, ang “timing” ng pagdating ng mga estudyante ay “kaduda-duda” dahil sa kasalukuyang tensiyon sa South China Sea at tumuturo din sa alalahanin ng katiwalian at krimen.

Mayroon ding napaulat at napansing pagdami ng mga estudyanteng Intsik sa Cebu na isa sa orihinal na lugar ng EDCA, sa Benito Abuen Air Base. Nagpahayag ng alalahanin sa seguridad ang mga netizen at ilang mambabatas sa diumano’y biglaang pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa Cagayan na lalo pang pinatindi ang hinala dahil ang probinsiya ng Cagayan ay malapit sa mg lugar ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ang EDCA ay isang kasunduan na linagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos na nagpapahintulot para sa mga sundalong Amerikano sa mga pasilidad ng militar. Sa kabuuan ay nasa lima na ang mga lugar ng EDCA sa pagpayag ni Pangulong Marcos Jr. noong nakaraang taon sa dalawa pa na Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana at Lal-lo Airport sa Lal-lo na parehong nasa probinsiya ng Cagayan.

Sa gitna ng mga pag-aalala sa biglang pagdagsa ng mga estudyanteng Tsino sa Cagayan ay sinabi ng PNP na hindi ito gaya ng iniisip ng karamihang mga Pilipino kundi ang dahilan daw ay talagang binuksan ng probinsiya ang kanilang pintuan para sa mga banyagang estudyante bilang bahagi ng hakbang na pasiglahin ang lokal na ekonomiya. Napag-alaman daw ng PNP na lahat ng ito ay balido at masy basehan dahil sa isang imbitasyon ng mismong Commission on
Higher Education (CHEd) at sa pamamagitan ng CHEd ay binuksan ng probinsiya ng kanilang pintuan para sa tinawag nilang “internationalization” kung saan ang mga banyagang estudyante ay tinatanggap sa Cagayan para mag-aral dito. Bahagi din daw ito ng pagsisikap ng lokal na gobyerno at inisyatibo upang palakasin ang ekonomiya ang pag-unlad ng Cagayan.

May mga impormasyon din ayon sa isang mambabatas na pumupunta sa Cagayan ang mga estudyanteng Tsino para sa halagang PhP1 milyon, na 80 porsiyento nito ay napupunta sa isang “ahente” at ang 20 porsiyento ay para sa paaralan. May ilan din ang napaulat ayon sa rebelasyon ni Propesor Chester Cabalza ng University of the Philippines at isang katutubo ng Cagayan na nagbabayad ng PhP2 milyon upang makuha ang kanilang mga degree at ilan din sa
kanila ay hindi man lang nag-abalang pumasok sa kanilang mga klase at nakakagalang nakabitin ang kanilang mga school id. Hinala pa na ginagawang gatasan ng mga paaralan ang mga estudyanteng Intsik ayon sa pagbubunyag diumano ng maraming lokal na propesor.

Hindi natin masisisi ang ilan o karamihan ng mga Pilipino na magduda sa kung ano ang tunay na pakay ng mga estudyanteng Tsino dahil sa dami ng mga unibersidad at kolehiyo sa bansa ay bakit sa mga lugar pa na mayroong EDCA sites sila nagsidagsaan? Sa higit 4,600 estudyanteng Tsino ay mayroon nang tatlo hanggang limang batalyon o isang brigade ng puwersa. Nakakaalarma nga ito kung tutuusin dahil sa kainitan ng tensiyon sa South China Sea. Masakit ding isipin na kayang ipagpalit ang seguridad at kapakanan ng bansa lalo na ang mga nasabing probinsiya at mga karatig na lugar sa ngalan ng kaunlaran at pagpapalago ng ekonomiya kung magkakatotoo nga ang hinala ng marami.

Hindi tayo tutol sa pagtanggap ng mga dayuhang estudyante dahil sa matagal na panahon ay kalakaran na ito sa buong mundo kung saan mayroong pagpapalitan ng mga estudyante ang mga bansa. Subalit sa dami at biglang pagdagsa ng mga Tsinong estudyante ay mapapaisip nga tayo. Hangga’t hindi tinitiyak ng mga awtoridad na legal nga, balido at walang dapat ikabahala ang mga Pilipino ay hindi mawawala ang tila pagiging “xenophobia” o takot at galit sa mga banyaga ng maraming Pilipino.

Maaari ngang may mas malaking layunin ang pagdagsa ng mga mag-aaral na Intsik sa gitna ng tumataas na tensiyon sa heopolitika dahil ang probinsiya ng Cagayan ay isang estratehikong puntirya ng magkaribal sa paghahari na Tsina at US. Pansamantala, dapat magpatupad ang gobyerno ng mas mahigpit na mga patakaran at tuntunin sa pagbibigay ng visa para sa mga dayuhang estudyante at maging mahigpit sa pagproseso nito sa mga banyagang mag-aaral, gayundin magkaroon ng bukas at malinaw na mga probisyon – upang huwag naman babansagan ang mga opisyal at mambabatas (politico) na mga “overacting”.

Amianan Balita Ngayon