May mga ulat na tumataas ang mga kaso ng pertussis (tusperina sa Tagalog) at tigdas sa buong mundo kaya tumugon ang Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng isang binago at pinaigting na kampanya sa pagbabakuna upang mabakunahan ang mas maraming Pilipino. Puntirya ng DOH na bakunahan ang kahit 90% ng high-risk population, lalo na ang mga batang mula 6 na buwan hanggang 10 taong gulang sa hangaring makontrol ang tigdas. Sa Pilipinas sa panahon ng unang 10 linggo ng nakaraang taon ay may mga kaso ng pertussis: 52 noong 2019, at 27 noong 2020.
Sa kasagsagan ng pandemiya ng COVID-19 ay may pitong kaso lamang ng pertussis ang naiulat noong 2021 para sa parehong peryodo at dalawa noong 2022. Sa unang taon matapos alisin ang mga restriksiyon ng pandemiya (2023), may 23 mga kaso ng pertussis ang naiulat sa parehong panahon. Ang mga pagkagambala sa rutina ng pagbabakuna sa pangunahing pangangalaga sa panahon ng pendemiya ay nakita na siyang pangunahing dahilan kung bakit, sa unang 10 linggo ng 2024 ay mayroon nang 453 na naiulat na mga kaso ng pertussis at 35 ang namatay.
Ipinapalagay ng mga eksperto na ang pag-alis sa buong mundo ng COVID-19 bilang isang public health emergency, na pinayagan ang higit na paggalaw sa mga populasyon na pagbabalik sa mga paaralan at lugar ng trabaho ay maaaring pinatindi ang transmisyon ng mga sakit na maaaring mapigilan ng mga bakuna. Ipinapahiwatig nito na sa maraming lugar sa buong mundo na ang saklaw ng pagbabakuna kahit bago pa ang pandemiya ay maaaring mas mababa kaysa kung ano ang hinihingi ng pampublikong kalusugan. Hanggang Pebrero 2, 2024 ay nakapagtala ang DOH ng kabuuang 569 mga kaso ng tigdas at rubella.
Lahat ng rehion, maliban sa Bicol at Central Visayas ay nag-ulat na may tumataas na mga kaso sa nitong nakaraang buwan. 163 mga bagong kaso ang iniulat sa pagitan ng Pebrero 11 hanggang 24, na tatlong porsiyentong mas mataas
kumpara sa dalawang linggo bago (159 kaso). Ipinapakita ng epidemiologic profile na ang mga nasa mas mababa sa limang taong gulang at hindi nabakunahan ay karamamihang apektado. Sa loob ng isang linggo ay tatlong lungsod na ang nagdeklara ng pertussis outbreak kung saan naunang nagdeklara ang Quezon City at Pasig City, ngayon ay dumagdag na ang Iloilo City. Agarang nakikipagtulungan ang DOH sa mga local government unit at ibang katuwang para makahabol sa pagbabakuna para sa vaccine preventable diseases gaya ng pertussis at tigdas.
Ito ay nakahanay sa kagyat na panawagan ng World Health Organization (WHO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) para sa agarang pagbabakuna upang maprotektahan ang buhay ng mga bata sa buong mundo. Ang pertussis o whooping cough (“ubong-dalahit” o “tuperina”) ay isang lubhang nakakahawa na bacterial respiratoy infection na nagiging sanhi ng mga sintomas na gaya ng trangkaso ng sinat, sipon at pag-ubo pito hanggang sampung araw matapos mahawaan. Ang pertussis ay maaaring madulot ng mga komplikasyon na magiging sanhi ng pagkamatay, lalo na sa mga bata at sanggol. Maaari itong magamot ng mga antibiotic, subalit pinakamagaling na maiwasan sa pamamagitan n pagbabakuna.
Ang tigdas ay lubhang nakakahawa at naikakalat mula sa nahawaang tao sa pamamagitan ng hangin, lalo na sa pag-ubo at pagbahing. Naapektuhan nito ang lahat ng grupo ng edad ngunit mas karaniwan sa mga bata. Kabilang sa mga sintomas ay mataas na lagnat, pag-ubo, sipon, mga pantal sa katawan. Ayon sa DOH ay walang espesipikong paggamot para sa virus na sanhi ng tigdas; gayunman ang pagbabakuna ay nagproprotekta laban dito. Ipinapanawagan ng mga awtoridad karagdagan sa pagbabakuna, gaya ng mga pagiingat na natutunan mula sa pandemiya ng COVID-19 ay ang boluntaryong pagsusuot ng facemask at manatili sa bahay kung may sakit, palagiang paglilinis at paghuhugas ng mga kamay, at piliin ang mga lugar na may magandang daloy ng hangin ay makakatulong dawn a proteksiyon laban sa pertussis, tigdas, at iba pang mga impeksiyon sa paghinga.
Noong 1991 ay inihayag na 80 porsiyento ng mga bata sa buong mundo ay nabakunahan laban sa anim na vaccine-preventable diseases na – tigdas, tetanus, diphtheria, polio, tuberculosis, at whooping cough. Sinabi ng DOH na walang sapat na mga bakuna ang Pilipinas para sa iba’t ibang uri ng sakit kabilang ang pertussis kaya nag-order ang
ahensiya ng 800,000 hanggang 1 milyong doses ng mga bakuna na inaasahang darating sa Hunyo ngayong taon. Sana ay maging maagap at matuto na ang pamahalaan upang huwag nang maulit ang bangungot ng pandemiya ng COVID-19 maging ang mga samu’t-saring katiwalian at anomalya sa pagpapatupad ng mga kaukulang polisiya sa kalusugan dahil muling nasasangkot ang facemask at bakuna na malaking halaga ang nakaumang.
March 30, 2024
November 30, 2024
November 23, 2024
November 17, 2024
November 9, 2024
November 1, 2024