Dahil kay COVID mayaman at mahirap nagpantay na…

Noong Enero 30, 2020 ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at ang unang locally transmitted case ng COVID-19 ay kinumpirma noong Marso 7, 2020. Mahigit dalawang buwan ay nakapagtala ang bansa ng kabuuang 14,319 confirmed cases, 873 kamatayan, at 3,323 na gumaling – ito ay sa kabila ng ipinatupad na community quarantines.
Sa unang dalawang buwan ng 2021 ay napapanatili ang mababang bilang ng mga kaso hanggang sa huling dalawang linggo ng Marso ay biglang pumalo sa higit 5,000 hanggang higit 8,000 ang mga kaso araw-araw hangga’t nitong Abril 2 ay ginulantang tayo ng napakataas na bilang sa isang araw na 15,310 bagong kaso, isa sa naiulat na pinakamataas sa rehiyon mula ng mag-umpisa ang pandemya.
Hanggang Abril 2, 2021 ay mayroon nang 771,497 kaso ang bansa, 13,320 ang namatay, 604,368 ang mga gumaling habang ang aktibong kaso ay nasa 153,809 na pinakamataas sa buong Timog Silangang Asya.
Nanghihina at nasa bingit na ba ng pagkagapi ang ating healthcare system? Ang pandemyang ito ay tila nililipos na nga ang mahinang healthcare system ng Pilipinas na ikinokonsiderang isang umuunlad na bansa. Sa pahayag ng mga opisyal ng kalusugan ay tinatayang nasa 16,388 hospital beds ang nakalaan para sa mga pasyenteng may COVID-19. Hanggang Marso 28, ang rehiyon ng Cordillera ay nasa critical stage na sa 85% ng kanilang ICU beds ay okupado na.
Sa NCR ay 186 ICU beds na lamang ang natitira sa kabuuang 781. Sa datos ng Abril 2 ay tiyak na naiba na naman ang sitwasyon at kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa arawaraw ay malao’t madali ang mga kamang ito ay lubos nang maookupa at ilang mga pasyente ay hindi na magagamot ng mabuti.
Nangyari na nga ang ganitong sitwasyon sa mga napaulat na mga pasyenteng palipa-lipat ng ospital dahil nagkakapunuan na at walang magawa ang mga personnel ng ospital kundi hindi tanggapin ang mga ito. Nakakalungkot malaman na may mga namamatay na nasa ospital na nga ay hindi pa agad magamot dahil pila sa emergency rooms, puno na ang ICU beds at ang iba ay namatay na sa daan habang naghahanap ng maaaring tumanggap na ospital.
Ang ganitong nakakapanlumong sitwasyon ay tila nagpapakita na nalupig na nga ang ating sistema sa kalusugan gaya na lamang ng kamakailan na napabalitang senior citizen na namatay sa COVID habang nasa labas ng emergency room dahil ilang ospital ang tumangging tanggapin siya. Ang isang nakakagulat na balita sa biglang pagkamatay ng sikat na singer at negosyanteng si Claire dela Fuente na napabalitang namatay sa loob ng isang tent habang naghihintay na ma-admit sa isang ospital.
Katanggap-tanggap man o hindi ang pahayag ng presidente ng Philippine Hospital Association (PHA) kamakailan na hindi tayo natatalo kundi natalo na ang bansa sa laban nito kontra sa pandemya dahil sa dumaraming ospital ang tumatanggi nang tumanggap ng mga pasyenteng may COVID-19. Ang kinakatakutan ay nangyari na daw at nalupig na ang ating mga ospital.
Kung sinasabi ng isang ospital na puno na sila ay wala na raw silang kapabilidad, subalit hindi ibig sabihin na wala silang kapasidad dahil may mga kama naman at magagawan ng paraan. Ang wala at kulang ay ang mga taong mag-aalaga sa mga pasyente. Ayon sa opisyal ng (PHA) ang bansa ay nahaharap sa seryosong kakulangan ng mga nurse dahil sa pagsara ng ilang nursing school, maraming nurse at healthcare workers ang nangingibang bansa at ilan ay namatay din dahil sa COVID-19. Sa pangkalahatan ay napapagod na ang ating mga doctor, nurses at iba pang healthcare workers sa mga ospital at idagdag mo pa ang kakulangan nila ay malao’t madali nga ay magagapi na ang ating healthcare system.
Sa isang giyera na nasa “firing line” ang ating health workers ay kailangan nila ng mga karagdagang mandirigma, kailangan nila ng tulong. Katotohanan na malaki ang agwat ng isang mayaman at isang mahirap, marami ang pagkakaiba. Ang mayaman halos lahat ay nagagawa, nakukuha, nabibili, maimpluwensiya, makapangyarihan at sikat dahil sa pera. Ang isang mahirap ay puro kabaligtaran ng mayaman, ngunit sabi nga nila pagdating sa kamatayan ay pantaypantay na ang lahat at naimulat ito sa kasalukuyan nating sitwasyon na lahat ay maaaring maging biktima ng sakit na COVID-19.
Kung dati ay kayang-kaya ng mayayaman na makapamili ng mamahaling kuwarto sa isang ospital at magbayad ng napakamahal na espesyalsitang doktor ngayon ay papantay na ang mahihirap dahil sa pagbagsak ng ating healthcare system ay kapuwa sila mamamatay sa labas ng emergency rooms dahil wala ng bakante – hindi ka na tatanggapin sa ospital, mayaman ka man o mahirap. Huwag sanang ipahintulot ng gobyerno na mangyari ito.

Amianan Balita Ngayon