Dapat Ingat para Angat

Opinion

NITONG HUWEBES lang, bumulaga ang mga panibagong kaso ng covid sa atin. Hindi naman kataasan. Ngunit usaping pagkabahala pa rin. Bagama’t mas marami pa ang bilang nga lahat ng daliri, hindi ibig sabihin na walang dapat ipangamba.

Sa Metro Manila, ang sapantaha ay aabot sa halos 500 bagong kaso ang maitatala na na-covid batay na rin sa takbo ng pag-angat ng mga
nahawaan. Ipagpalagay ng hindi gaanong nakakapaminsala ang mga naiulat na subvariant, me dahilan pa rin upang bigyan ng agam-agam ang sambayanan.

Eh bakit nga hindi tayo mababalot sa pangamba, eh covid pa rin ang nananalasa. Huwag kalimutan, noong mga unang buwan ng pandemya,
Alpha, Beta at Gamma ang tumama sa atin. Iyan ang biglaang bigwas ng hagupit ni Covid. Hindi nagtagal, tila napagod ang mga naunang mga variant, at unti-unting linuwagan ang mga restriction.

Mga Oktubre nitong nagdaang taon, sumambulat naman si Delta. Ang mga kaso ay dagliang bumulusok. Halos 25,000 libo kada araw ang mga naitalang mga kaso. Si Delta ang tila pinakamabangis sa mga sumakop sa atin mula noong Marso 2020. Si Delta rin ang pinaka-matindi sa mga Severe aty Critical na nagkasakit.

Enero naman nitong kasalukuyang panahon, nag byaheng Pinas si Omicron. Mas matindi kaysa ke Delta. Pero hindi gaanong nakapinsala sa
mga nahawaan. Halos pumartida pa ng ilang buwan, at madalas ang panawagan na huwag magpakakampante, dahil nga campaign season at kita naman natin kung gaano parang mga nakakawala sa kural ang mga tinamaan ng kidlat ang mga tao sa pagdagsa sa mga campaign rally.

Dumaan ang eleksyon at tila nga nagagapi na natin si covid. Patuloy ang pagluwag ng mga economic activities, ang mga mobility sa bayan-bayan. Tila nga pahingalo na si covid, at dagliang sumadsad ang bilang ng mga kaso. Ang siste, eh parang natulog lang si covid, dahil ngayon nga ay tatlong mga bagong sublineage na variant ang rumaragasang humahampas sa bawat panig ng mundo.

Pati Pinas syempre, damay-damay na. At dahil nga sa higit pa ang pagluluwag ng buhay, hindi agad napansin na mayroong bahagyang pagtaas ng mga kaso sa iba’t ibang lugar, kasama na rin sa ating lungsod.

Ang totoo, ay nitong nakaraang buwan pa ng bumisitang walang abog-abog si Omicron at ang kanyang mga supling na subvariant. at ngayon nga ay sumasalanta na sa NCR-Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa Pinas. Aminin na natin na naging pabaya tayo, naging bulagsa sa pagtanggap ng bagong pagbangon, bagong pag-ahon.

Aba eh kunin mo sa dahas ang mahigit na dalawang taon ng quarantine at restriction at limitasyon, ay bakit nga naman hindi namnamin ang tamis ng kalayaang kay tagal ding sinikil. Basta, ang paniwala natin ay ang pandemya ay naririto pa sa atin, patuloy na nananalasa, patuloy na binibigyan ng pangamba ang mga Pinoy.

Hindi katulad ng mga naunang buwan at taon, tayo naman ay tila hindi nababahala. Anuman ang variant na nandyan, na iba’t iba ang pangalang ibinibinyag, dedma pa rin tayo, hindi gaanong kinakapitan ng takot, tuloy ang lakad ng buhay tungo sa bagong normal.

Mabuti naman at tila bumabalik ang wisyo sa mga tao. Dahil ngayong nakaraang mga araw, kapansin-pansin ang biglang pagdagsa ng madlang pipol — lalo na ang hindi pa nabibigyan ng booster shot makaraang matapos ang 2 dosage ng bakuna — sa mga lugar ng bakunahan. Nandyan pa rin ang mga barangay at bukas naman daw ang mga health center upang maturukan ng kinakailangang bakuna.

Kaya ngayon, kandaugaga ang mga pangunahing abala upang mairaos na ang booster shots sa higit na mas marami pang naturukan. Kung nasa 75 milyon na ang babakunahan ng primary shots, bakit nga ba ang booster ay naituturok pa lamang sa 12 milyon. Anyare? Sana naman, yung mga kwalipikadong magpa-booster shot, humayo na at magpaturok.

Walang kapila-pila, di tulad nang ang bakunahan ay para sa unang dalawang doses. Makapipili ka pa ng ibabakuna sa iyo — Moderna, Pfizer, Aztra Z at Sinovax. At pinakaimportante: walang bayad ang pagpapaturok, maging sa halaga ng itinuturok sa iyo. Side effects? Sisiw na
sisiw. Ilang oras lamang ang pananakit ng brasong naturukan. Sisiw talaga.

Ang mahalaga, ating pagtulungang maibalik ang tiwala ng sambayanan sa gobyernong tapat, sa serbisyong seryoso, at sa pamumunong ramdam ang karakter, ang kakayahan, at ang katapatang matupad ang pagiging maayos na lungsod. Mga katoto, lungsod ng pino an gating tinutukoy. AngatTayoBaguio! DapatIngatParaAngat.