Pag-Upo ni BBM…. Ano kaya????

Daplis Walang Mintis

Habang sinusulat ang espasyong ito….ilang araw na lang, uupo na bilang pangulo ng bansa si BBM. Marami ang nananabik bagama’t may mga kinakabahan. Ang matinding tanong: bakit may mga grupo na ayaw umupo si Pres. Elect BBM? Subukan nating kaliskisan ang mga kontrobersiya mga pards: Di pa man nakakaupo si BBM…sunuds-unod na ang mga alok sa kanya mula iba’tibang bansa upang lalong paigtingin ang tulungan lalo na sa ekonomya.

Suma-total: may tiwala sila sa kanyang kakayanan at liderato. Plantsado na ang kanyang programa de gobyerno at angklado na ang kanyang
binuong gabinete. Pulido diumano ang laang serbisyo at piling-pili ang kanyang mga kabisig na inilagay sa puwesto. Katunayan isa sa mga
pondasyon ng ilan sa mga nagdaang administrasyon na si ex-Sen. Juan Ponce Enrile ay kinuha niyang maging Presidential Legal Adviser.

Alam ng marami na matagal ding nanilbihan at naging kaalalay ng ama ni BBM si Manong Johnny. Bihasa na sa pamamalakad sa gobyerno
kahit pa sinasabing may edad na nguni’t matalas pa rin ito. Isa lang si Manong Johnny sa mga magagaling na magiging kaakbay ni BBM sa kanyang termino. Dahil sa laki ng problema ng bansa sa agrikultura…minabuti ni BBM na siya muna pansamantala ang uupong sekretaryo ng ahensiyang ito.

Malaking bagay ito dahil niluma na tayo ng Vietnam at karatig-bansa na ating tinuruan noon sa pagsasaka at ngayon sila na ang nag-eexport ng bigas sa atin. Marahil ito ang dahilan kung bakit naipahapyaw ni BBM na dapat maibaba hanggang sa P20 pesos kada kilo ang bigas.

Bagay namang nagpadaplis ang kasalukuyang sekretaryo ng agrikultura (Sec. Dar ) na hindi pa napapanahon at ang sa kanyang kuwenta maaring maibaba raw ang presyo ng bigas sa P27.50 kada kilo sa ngayon.

Liban sa DA, nakalatag na ang kontrakorapsiyong programa at tukoy na nila ang mga ahensiyang dapat matutukan at malinisan. Sa panig naman ni VP Sarah Duterte…napapanahon ang pagkakapili ni BBM sa kanya upang pamunuan ang departamento ng edukasyon.

Liban sa pagiging isang abogada, gamay nito ang edukasyon. Kung baga sa brigada…matatag itong tandem nina BBM at Sarah para sa kaunlaran ng ating bansa at lahi. Malapit na ang inagurasyon ni BBM at dumarami ang mga lumalabas na samu’t-saring magaganap daw.

May mga ulat diumano (ayon sa intel-report ng kampo-BBM) na may mga grupo na gustong guluhin ang inagurasyon. Bagama’t nakatutok naman ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno, nariyan pa rin ang agam-agam ng bayan. May ulat pa nga na may mga pagkilos diumano na gustong pahiyain si BBM upang masira ang kanyang imahe. Nagmumulto pa rin ang imahe naman ng kanyang ama (Makoy) na sinasangkalan ng mga kontra upang ilugmok ang tatag ni BBM.

Kaya nga’t kamakailan sinabi na ni BBM na hindi siya titira sa Malakanyang. Sabagay, matagal na etong kinumpirma ng kanyang kapatid na si Sen. Imee Marcos para daw iwas-kontrobersiya sa matagal na pagtira noon ng mga Marcos sa palasyo bago ang EDSA Revolution. Di man mabubura ang mga sinapit na panlalait at kung papano inilugmok ang kanilang pamilya noon…matatag at malaman ang tinuran ni Sen. Imee na sa panunungkulan ni BBM, hahawan sila ng bagong kasalukuyan at bagong panahon para sa pagkakaisa ng sambayanan.

Matalinghaga man…batid ng lahat ang katuturan at kung saang direksiyon tayo tutungo. Sa pagkakaisa at pagkabigkisbigkis… darating tayo sa pedestal sa tamang panahon at legal na paraan. Adios mi amor, ciao, mabalos.