Tiyak na iigting pa ang tunggalian ukol sa Revised Baguio City Charter (RA Republic Act No. 11689) ngayong 2024. Sana’y hindi lamang ang mga pulitiko sa Baguio ang tatalakay sa isyu kundi pati ng
nakararaming mamamayan dahil importanteng makibahagi ang mga ito bilang mga mulat na taumbayan. Sapagkat ang Revised Baguio City Charter RA 11689 ang basehan ng pag-inog ng
Baguio bilang syudad at ng mamamayann nito sa susunod na siglo, mula sa napaglumaan nang Baguio City charter noong September 1, 1909.
Pakay ng Revised Baguio City Charter, ayon kay Rep. Marquez Go, na itugma ito sa kasalukuyang katangiang panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitka ng syudad lalo na sa epektibong pagtalima sa land-use plan; paglutas sa boundary dispute sa Tuba, Benguet; paglutas sa mga suliraning nakaugnay sa alienable at disposable public lands; at pagpapatibay sa mga istruktura ng lokal na
pamahalaan upang makatugon sa lumalaking pangangailangan ng mamamayan.
Ngunit ayon sa mga kritiko, ang RA 11689, ay kulang sa mga rekisito upang itaguyod ang epektibong pamamahala. Bagkus kulang sa lalim dahil minadali at hindi masyadong pinag-isipan.
Ayon kay Baguio City councilor Fred Bagbagen, isang beteranong abogado, hindi nakasaad sa Revised City Charter ang klarong definitive territorial jurisdiction, bagay na sasagka sa anumang master development plan sa mga lupain ng syudad.
Kaya’t nakikita ni Bagbagen na nauna sanang lutasin ang boundary dispute ng Baguio City at Tuba bago pa man ang RA 11689 upang maisaaad mismo ang klarong teritoryo ng Baguio. Malaking katanungan din ang pagsasama ng mga kinatawan ng Bases Conversion and Development
Authority (BCDA) at John Hay Management Corporation (JHMC) sa mga kumite sa Sangguniang Panlungsod, na mistulang pangingialam ng mga “tagalabas” na personahe sa mga usapin sa lungsod.
Walang dudang pangingialam ng mga “tagalabas” ang magiging istruktura sa syudad gayong may suliraning “barangay segregation” (o mga kalupaang sinasakop ng John Hay reservation na ninanais ng mga taga-Baguio na maipasakamay na sa kanila). Ninanais ding usisain ang kontrobersyal na sinasaad sa RA 11689 na kinakailangang maipasa ang mga Ordinansa ng Baguio City sa Sangguniang Panlalawigan ng Benguet gayong component city at labas sa jurisdiction ng anumang probinsya.
Hindi ang pangingialam ng mga taga-labas ang lulutas sa mga suliranin ng Baguio City sa susunod na siglo. Aktibong pakikibahagi ng mamamayan tungo sa kalutasan sa mga isyung pambayan ang
kinakailangan.
January 6, 2024
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025