Muling naaalarma ang Department of Health (DOH) sa tumataas na bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa. Ipinahayag noong Pebrero 17 na walong iba pang local government units (LGUs) na nasa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon ang nakapagtala ng nakababahalang pagtaas sa bilang ng mga pasyenteng may dengue. May mga hindi beripikadong ulat na may pagtaas din ng kaso sa ibang lugar sa Visayas at Mindanao. Nauna nang nagpahayag ang Quezon City ng isang “dengue outbreak” matapos mamatay ang sampung katao dahil sa viral infection sa mga nakaraang linggo.
Ang mga lokal na opisyal lamang ang maaaring magdeklara ng isang outbreak at may kapangyarihan ang mga LGU sa ilalim ng Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act. Mula Enero 1 hanggang Pebrero 1 ay nakapagtala ang DOH ng 28,234 kaso ng dengue na 40
porsiyentong mas mataas kaysa mga kasong naitala sa parehong panahon noong 2024. Napansin ng DOH ang pagtaas mula umpisa ng taon na may 13,980 pasyenteng may dengue mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 4, 2025 at umakyat ang bilang sa 15,088 mga kaso mula Enero 5 hanggang 18.
Sa kabila nito, ang bilang ng pagkamatay dahil sa dengue ay bumaba sa 0.35 porsiyento hanggang Pebrero 1, kumpara sa 0.42 porsiyento na naitala sa parehong panahon noong 2024. Ang dengue ay isang pangkaraniwang sakit sa maraming mga bansa sa buong mundo, kabilang ang Americas, Africa, Gitnang Silangan, Asya, at ang Pacific Islands. Ayon sa World Health Organization (WHO), halos kalahati ng populasyon ng mundo o nasa 4 bilyon na tao ay naninirahan sa mga lugar na may panganib ng dengue. Ang dengue ay kadalasang isang sanhi ng sakit na may kasamang lagnat sa mga lugar na may panganib nito.
Napaulat na malimit ang mga dengue outbreak sa mga rehiyong ito kasama ang mga kilalang destinasyon ng mga turista gaya ng the Caribbean, Central America, South America, Southeast Asia at Pacific Islands. Hanggang noong Agosto 22,2024 ay nakapagtala ang Lungsod ng Baguio ng 5,505 mga kaso ng dengue, ang pinakamataas sa kasaysayan ng lungsod, kumpara sa 645 lamang ng sinundan na taon o isang 753% pagtaas. Sa taong 2024 ay may 12 ang namatay dahil sa dengue fever. Ngayong taon, ayon sa DOH-CAR regional epidemiology and surveillance unit namula Enero 1 hanggang Pebrero 1, 2025 ay mayroon nang 491 kaso sa rehiyon ng Cordillera na naiulat sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon kumpara sa 605 na naiulat sa parehong panahon ng nakaraang taon.
Sa ngayon ay nakapagtala pa rin ang probinsiya ng Benguet ng pinakamataas na bilang ng mga kaso ng dengue fever na may 137, sumunod ang Baguio City na may 116 kaso, Apayao-91 kaso, Kalinga-48 kaso, Mountain Province-43 kaso, Ifugao – 36 kaso at Abra na may 20 mga kaso. Sinabi ng DOH-CAR na habang bumababa ang mga kaso ng dengue sa rehiyon ay may nakababahala ring pagtaas ng mga kaso sa Apayao, Kalinga at Baguio City. Ang dengue ay isang pangunahing problema sa kalusugan ng publiko sa Pilipinas at endemiko sa lahat ng rehiyon ng bansa. Ang paglaganap nito ay higit na pana-panahon na karamihan sa mga yugto ay nagaganap sa panahon ng tag-ulan (Hunyo-Pebrero).
Ang dengue ay ginawang “dapat na ipaalam na sakit” mula pa noong 1958 sa Pilipinas na may lahat ng apat na DENV serotypes na nagpapalipat-lipat at nasa mga bansang may pinakamataas na bilang ng mga yugto ng dengue sa timog-silangang Asya. Noong 2016 ay nagkaroon ng mga pagsisikap upang makontrol ang transmisyon ng dengue
virus, kabilang ang mga bakuna, anti-viral drugs at iba-ibang estratehiya sa vector control. Nagkaroon ng school-based vaccination program subalit dahil sa kontrobersiya sa Dengvaxia ay itinigil ito noong 2017 at tuluyang ipinagbawal ang paggamit ng bakuna at pagbenta nito sa Pilipinas.
Ang takot na idinulot ng kontrobersiya ay naging dahilan upang mawalan ng tiwala ang bansa (mga Pilipino) sa mga bakuna at mababang immunization rates na nagresulta sa isang krisis sa nakahahawang sakit sa bansa noong 2019 kabilang ang paglaganap ng tigdas. Habang wala pang tiyak na bakuna o gamot laban sa dengue ay pinakamabuting sumunod na muna sa mga pamamaraang itinakda ng gobyerno at patuloy na pairalin ang disiplina at kalinisan ng bawat isa. Kakatwa man o nakakatawa ang ilang paraang inisip ng ilang barangay kung saan gagamit ng mga palaka at magbigay ng pisong pabuya sa bawat isang lamok na mapatay ay malay natin sa ganitong hamak na paraan ay makatulong – na nawa’y magsilbing sampal sa mga ahensiyang kinauukulan sa mabagal nilang pagtugon sa taunang problema ng dengue.
February 22, 2025
February 22, 2025
March 22, 2025
March 8, 2025
March 1, 2025
February 22, 2025
February 15, 2025