Di pa man nakabawi, Dagupan binaha uli

LUNGSOD NG DAGUPAN – Patuloy pa rin ang rescue at relief operations sa lungsod kasunod ang matinding pagbaha na dala ng high tide at malakas na pag-ulan dahil sa southwest monsoon na naranasan ng Luzon na nagsimula noong nakaraang weekend.
Ito ay nangyari ilang linggo lamang matapos maranasan ng lungsod ang pinsalang dala ng malakas na ulan sanhi ni Typhoon Inday at TD Josie, at ang inflow ng tubig mula Sinocalan River, na siyang dahilan kung bakit nasa ilalim ng state of calamity ang lungsod.
Ito ang ikalawang pagbaha na tumama sa Dagupan sa halos isang buwan, na naglubog sa lungsod at karamihan ng lugar sa Pangasinan.
Ayon kay Chief Meteorological Officer Jose T. Estrada Jr. ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa)-Dagupan na ang climate change ang dahilan ng paulit-ulit na malalakas na ulan na nararanasan sa buong lalawigan.
Inihayag din ni Estrada na ang isang buwan ng volume ng rainwater ay pinakawalan sa tatlong araw ng patuloy na pag-ulan, na naghatid ng matinding pagbaha sa lungsod.
“The intensity of the rainfall during those three days since Saturday (Aug 11) is equivalent to one month. Yung normal rainfall sa isang buwan na 212mm, ay inabot tayo ng 215mm. Malakas yung naibagsak na ulan sa Pangasinan. Yung sa July naman (Typhoon ‘Inday’ at TD ‘Josie’), nakaabot tayo ng 1,169mm– yung equivalent sa tatlong buwan ay naibagsak sa ilang araw lang,” dagdag ni Estrada.
Sa ngayon, ang pagbabawas ng tubig mula sa San Roque dam at ang inflow ng tubig mula sa Sinocalan River ay nagdagdag din sa mabilis na pagtaas ng baha sa lungsod.
Noong 7am ng Agosto 16, halos 578 na pamilya o 1,957 katao ang nasagip mula sa kanilang mga tahanan at inilipat sa mga itinalagang evacuation centers sa lungsod.
Patuloy pa ring naka-high alert ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para sa mga nangangailangan ng tulong, lalo na ang mga taong may matinding medical cases at disabilities.
Pinuri ni Mayor Belen T. Fernandez ang CDRRMO at ang kanilang mabilis na tugon at pre-emptive rescue operations.
“I’m very glad that our rescue team is prepared and fully equipped with the tools they need to help our Dagupenos. Ang buhay ay napakahalaga. I’m also glad that our respective barangays and their BDRRMCs are very active. We were able to meet one week before this happened during our post-evaluation meeting and it empowered our barangays to also help and rescue their residents. We are always there to support them,” ani Fernandez.
Patuloy pa ring minomonitor ng mayor ang sitwasyon sa lungsod upang ma-assess ang sanhi ng patuloy na pagbaha sa lahat ng barangays.
“Kaya ako umiikot mismo kasi gusto kong malaman yung actual situation. Four years ago, I started the dredging, the river clean up and the building of dikes. But even with the dikes, the dam waters will still find its way here because we are a catch basin. Lahat din ng silt from other areas, bumabagsak sa atin. It is impossible that the water came only from the heavy rains – this is a perennial problem already,” ani Fernandez.
Humihingi rin ang mayor ng tulong mula sa national government at ibang ahensiya tulad ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa panibagong dinaranas ng Dagupan.
Samantala, tiniyak ng mayor na ang tulong ay pinalawak sa lahat ng 31 barangays sa lungsod habang ang relief at rescue operations at nagpapatuloy pa rin.
“Right now, we are prioritizing the critical barangays but the city government is doing its best to help all 31 barangays,” ani Fernandez.
Katulad din nila, ang ibang lugar sa Luzon na nakaranas ng matinding pag-ulan ay humantong din sa pagbaha sa kanilang lugar. Kabilang dito ang maraming lugar sa Rizal, Bulacan, Pampanga at Metro Manila.
May kabuuang 691,574 katao mula sa 469 barangays sa buong Luzon ang apektado ng monsoon rain noong Agosto 14 mula sa ulat ng NDRRMC. V.DE VERA, CIO / ABN

Amianan Balita Ngayon