Ano na namang pakulo ire? Si Pangulong Digong, mag-reresign? Medyo sintonado yata, pards. Pero teka, sino bang nagsabi? Siya mismo! Hanoo? Ang pangulo ang nagsabing bababa siya sa puwesto?
Oo, pards. Siya talaga. Wala nang iba. Mula sa kanyang bibig at saksi ang buong bansa sa eksena. Sinabi niyang magreresign siya.
Teka, teka… Kontrobersiya na naman ito, mga pards. Dapat lang na uriratin nating maigi bago lumaki ang sunog. Sige…
******
Kamakailan, nang manalo bilang kongresista ang anak ni Digong na si Paolo “Polong” Duterte, maugong ang usapusapan na baka siya na ang magiging House Speaker. Yan din ang pahapyaw ng kanyang ate Sara na mayor ng Davao City.
Maraming mga kapanalig ng Duterte Administration ang kampi sa panukala o ideya. Oo nga naman. Kung siya ang magiging House Speaker, mas malakas na ang Lower House kay Digong, yan ang say ng ilan.
Pero say naman ng ilang kontra, baka ito ang ikasisira ng mga Duterte lalo kay Digong kung sakali. Maraming salasalabat na mga pasaring, tapik at tsismis ang ibinunga nito. At upang matigil na ang lahat, mismong si Pangulong Duterte na ang nagsabi: “bababa siya sa puwesto kung maluluklok na House Speaker ang anak na si Polong. Tanong: ano ang lohika bakit ganito ang disposisyon ni Digong?
******
Iisa ang nakikita ng Daplis sa pinal at mabigat na desisyon ng pangulo. Matigas ang kanyang paninindigan na magreresign siya sa oras na ginusto ni Polong na maging House Speaker na naaayon sa mga nagtutulak sa kanya. Kasi nga naman, ang mayor sa Davao City ay si Sara Duterte na anak ni Digong.
Ang kapatid ni Sara na si Baste Duterte ang nanalong bise mayor sa Davao City. Tapos nanalong kongresista rin si Polong Duterte. Kung magiging House Speaker pa si Polong, parang nasisilip ng pangulo na magkakaroon na naman ng panibagong kontrobersiya laban sa kanyang pamilya.
Kaya matigas ang desisyon na siya ay bababa sa Malakanyang kung magiging House Speaker si Polong Duterte. Bakit ano ba ang maaring kaganapan sakaling si Polong ang magiging House Speaker?
******
Natural, kung ang house speaker at presidente ay magama, iisipin ng taumbayan na mabilis ang transaksiyon at aksiyon sa lahat ng mga hiling at programa ng Lower House.
Pero tiyak na pipiyok naman ang mga taga-oposisyon. Maaring pagmumulan yan ng hinala na may ibang transaksiyon sa silong ng lamesa.
Baka hihinalaing may malaking “kita” ang mag-ama sa lahat ng pumasang proyekto o programa, di ba? Kahit na malinis at legal ang paraan, tiyak na may hinala pa ring marumi.
Yan ang tunay na dahilan kung bakit inunahan na ni Digong ang mga espekulasyon. Kanyang sinupalpal agad ang maaring ibatikos sa kanya kung sakali.
At sa panig ng nakakarami, marami namang mga may ambisyong maging House Speaker sa kasalukuyan, di ba? Napaulat pa nga na may mga handang maglagay basta’t ang manok lang nila ang manalong house speaker.
Ganyan kahalaga ang posisyong ito na dapat silipin din ng palasyo baka pagmulan ng gusot sa hinaharap.
******
Sa ganang amin, tama lang ang daplis ni Pres. Duterte. Talagang kung mabunga ka, sandamukal na pambabato ang kasunod. Alam nila na hindi natitinag si Digong kung kaya’t kung ano-ano na ang mga lumalabas na mga isyu.
Ang pinakahuli sa mga batikos ay ang biyahe niya sa Japan kung saan dawit sa kontrobersiya ang mga isinamang mga opisyales. Haay, buhay nga naman. Sige lang, Apo Digong, mag-uwi ka na lang ng grasya para sa Pilipinas upang maging sampal sa mga marurumi ang utak. Mabalos!
June 3, 2019
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025