Magna Carta sa mahihirap, tugon na ba sa kahirapan?

Nilagdaan na sa wakas ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act 11291 o ang Magna Carta for the Poor na layong itatag ang pangmatagalang istratehiya sa pagpapababa ng kahirapan sa bansa.
Ang Magna Carta for the Poor ay layong itaas ang kalidad ng pamantayan ng pamumuhay at kalidad ng buhay ng mga mahihirap at mabigyan sila ng mga oportunidad sa pagunlad sa tulong ng gobyerno at pribadong sektor.
Ang “mahirap” ayon sa depinisyon ng batas ay mga pamilya o indibiduwal na ang kinikita ay mas mababa kaysa sa “poverty threshold” ayon sa pakahulugan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at/o hindi kayang mapanatili sa anumang paraan na matustusan ang kanilang pinakamaliit na pangunahing pangangailangan sa pagkain, kalusugan, edukasyon,
pabahay o iba pang mahalagang kaalwanan.
Sa ilalim ng batas, ang mga tagapagpatupad na mga ahensiya ng gobyerno at mga departamento ay dapat magtatag ng sistema upang matugunan ang mga sumusunod na karapatan:
1.Sapat na pagkain (adequate food); 2. Disenteng trabaho (decent work); 3. Mahalaga at dekuwalidad na edukasyon (relevant and quality education); 4. Sapat na pabahay (adequate housing); at 5. Pinakamataas na maaaring makamit na pamantayan ng kalusugan (highest attainable standard of mental and physical health).
Tutukuyin ng DSWD, NEDA at National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang target beneficiaries at ang pondo para sa poverty alleviation programs ay kukunin sa umiiral na poverty alleviation programs ng mga iba’t-ibang departamento at ahensiya.
Pangangasiwaan ng NAPC ang pagtugon ng mga departamentong ito sa pagpapatupad ng batas.
Sa pagbaba ng antas ng kahirapan sa Pilipinas ay kailangan ng maayos-na-pasahod na trabaho at mga oportunidad. Sa pagkakaroon ng economic fundamentals ay maaaring mapabilis
ang pagpapababa ng kahirapan.
Ang hamon ay ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad na pang-ekonmiya, na maaaring makatulong sa mas maraming tao na kumita ng mas malaki at magkaroon ng matatag na kita.
Mula 2006 hanggang 2015, sa pinakahuling nakuhang datos, ayon sa ulat ng World Bank (Making Growth Work for the Poor: A (Poverty Assessment for the Philippines) na inilabas noong 2018, ang malakas na paglago ng ekonomiya ay nakatulong sa pagpapababa ng antas ng kahirapan sa Pilipinas ng 5 percentage points. Bumaba ang kahirapan mula 26. 6 porsiyento noong 2006 sa 21.6 porsiyento noong 2015, dahil sa ilang kadahilanan gaya ng expansion ng mga trabaho sa labas ng agrikultura, ayuda ng gobyerno partikular sa mga kuwalipikadong mahihirap na Pilipino
sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at remittances.
Noong 2015, may 22 milyon Pilipino – mahigit isang-kalimang bahagi ng populasyon ang nabubuhay pa rin na mas mababa sa national poverty line. Ayon sa ulat, ang mga hadlang sa pagkamit ng mas mabilis na pagpapababa ng kahirapan ay ang, “less pro-poor pattern of growth; high inequality of income and opportunities; at ang adverse impacts of natural disasters and conflict.”
Karamihan ng mahihirap na mga Pilipino ay may mababang pinag-aralan at namumuhay sa malaking sambahayan na pinamumunuan ng mga indibiduwal na nagsasariling-trabaho o nagtratrabaho sa agrikultura bilang laborer o maliliit na namamasukan.
Ang mga pinakamahirap na sambahayan ay ang mga dumedepende sa agrikultura bilang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kita at karamihan sa kanila ay naninirahan sa probinsiya, sa mga lugar kung saan malapit sa sakuna o armadong-labanan na mga lugar.
Ang di-makatarungang pamumuhunan sa human capital at di-sapat na well-paying job opportunities ay binibitag ang mga mahihirap sa kahirapan sa mga henerasyon.
Ang mataas na konsentrasiyon ng kayamanan ay pumipigil sa mga pantay na oportunidad at access sa mga serbisyo, na mahalaga para sa inclusive growth.
Ang mga likas na sakuna ay lubha at paulit-ulit na sinasalanta ang mga pinakamahihirap na rehiyon ng bansa, na ibinabaon sila sa mas mataas na antas ng kahirapan.
Bilang tugon ay naghanda ang gobyerno ng strategic plan na nakatutok sa pagpapababa ng kahirapan sa pamamagitan ng AmBisyon 2040, isang pangmatagalang adhikain upang pababain
ang kahirapan at pahusayin ang pamumuhay ng mga pinakamahirap na bahagi ng populasyon, at ang Philippine Development Plan 2017-2022.
Ang mga planong ito ay puntiryang pababain ang kahirapan sa 13 hanggang 15 porsiyento sa taong 2022.
Upang makatulong makamit ang adhikaing ito ay inirekomenda ng Poverty Assessment ang mga sumusunod na direksiyong polisiya: 1. Lumikha ng mas marami at mas mahusay na trabaho; 2. Pahusayin ang produksiyon sa lahat ng sektor lalo na sa agrikultura; 3.Armasan ang mga Pilipino ng kakayahan at kasanayan kinakailangan sa ekonomiya ng ika-21 siglo; 4. Mamuhunan sa kalusugan at nutrisyon; 5. Tumutok sa pagpapababa ng kahirapan sa Mindanao at iba pang mahihirap na lugar; at 6. Pamahalaan ang disaster risk at protektahan ang mga mahihina. Sa ganang amin, para lubos na mapakinabangan ng mahihirap ang kanilang karapatan ay dapat isaayos ng gobyerno ang sistema o ang isang umuusad na realisasyon o implementasyon ng mga programang ukol sa kahirapan.
Tiyaking maibigay ang tamang pondo sa mga tunay at tamang benepisaryo, dahil ang patuloy na pagkalam ng sikmura ng 22 milyong gutom na mahihirap ay pagkalam din ng kinabukasan ng Pilipinas.
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon