DILG La Union muling kumuha ng 119 contact tracers

Provincial

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – Muling kumuha ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng contact tracers na magpapatuloy na tumulong sa isinasagawang contact tracing ng gobyerno.

Sa La Union, sinabi ni Provincial Director Virgilio Sison na 119 ng nakaraang 300 contact tracers ay muling kinuha ang serbisyo para sa anim na buwan simula Pebrero 3 hanggang Agosto 3 ngayong taon.

Niliwanag niya na ang mga nag-renew ng kanilang kontrata ay dating na-hire bilang contact tracers noong 2020. “’Yung mga dati na pong contact tracers last year ay tayo na po ay nagre-hire mula sa kanilang hanay,” ani Sison.

Dagdag niya, ”Wala po tayong mga bago na ngayon lang na-hire kundi yung mga datihan na.” Ipinagbigay-alam din ng provincial director na ang DILG ay ninais na i-renew ang mga kontrata ng mga na-hire noong nakaraang taon, ngunit sinabihan ang kanilang opisina na magtrabaho lamang sa kaya ng nakahandang badyet.

“Mas marami po last year. Ngayon, konti lang po ang nahire natin dahil sa budget na binigay lang po na limitado,” aniya.

Ganunpaman, pinuri niya ang mga nare-hire na contact tracers sa mabuting pagganap ng kanilang trabaho sa paglaban kontra COVID-19.

“Talaga hong maisigasig sila na maging kabahagi ng ating programa na contact tracing,” ani Sison.

Sa kabuuan, nire-hire ng DILG ang nasa 15,000 contact tracers sa buong bansa dahil sa inaprubahan lamang ng Department of Budget and Management ang PhP1.9 bilyon para sa rehiring ng contact tracers para sa 2021.

(JPD-PIA LU/PMCJr.-ABN)