DAGUPAN CITY, Pangasinan
Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isinasagawa ang paghahanda para sa “Buhay Ingatan, Droga Ayawan (BIDA) Bayanihan ng Mamamayan Fun Run” na gagawin sa lungsod ng Dagupan sa Abril 30. Ito ay ang magiging ikaapat na fun run na
nakatakdang pangungunahan ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., kasama ang ibang mga opisyal ng gobyerno at mga runner bilang bahagi ng “grassroots approach” ng DILG at kasabay ng paghikayat sa publiko na maging pgysically fit at umiwas mula sa mga kuko ng mga ilugal na droga.
Itinuturing na ang BIDA fun run at iba pang sports activities ay may mahalagang papel sa pagsisikap ng gobyerno na magkaroon ng isang mas malakas na komunidad at isang mahalagang elemento upang hikayatin ang sektor ng kabataan na makilahok sa mga produktibong gawain bilang mga miyembro ng lipunan sa halip na nasasangkot sa mga aktibidad ng mga iligal na droga.
“Ang pagsasagawa ng fun run ay bahagi ng grassroots approach para himukin ang mga mamamayan na maging aktibong katuwang ng pamahalaan para wakasan ang suliranin ng droga na nakakaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na sa mga kabataan,” ani
Abalos sa isang pahayag. Nasa 10,000 kalahok mula sa iba’t-ibang sektor ng buong rehiyon ng Ilocos ang inaasahang sasali sa fun run, na isa sa mga istratehiya ng gobyerno sa pagpapataas sa kaalaman at paghikayat sa kampanya ng komunidad laban sa mga iligal na droga.
Pinasalamatan ni Mayor Belen Fernandez ang DILG at si Secretary Abalos sa pagpili na dalhin
ang BIDA fun run sa Dagupan City. “Ako po ay nagagalak na gaganapin ang BIDA fun run sa ating siyudad,” ani Fernandez. Ang daloy ng mga aktibidad ng fun run, mga tungkulin at responsibilidad ng kalahok na mga ahensiya, at pagbuo ng isang Technical Working Group ay una nang tinalakay sa isang pagpupulong sa pagitan ng mga opisyal ng DILG at mga ehekutibo mula sa pamahalaang lungsod para sa nalalapit na aktibidad.
Magsisilbi rin ito bilang isang lugar para maipakita ng mga pambansang ahensiya ng gobyerno
ang kanilang produkto at serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng “Serbisyo Caravan” (Service
Caravan), ang mga booths at stalls ng mga kalahok na mga institusyon ay ikakalat sa buong lugar.
Ang BIDA fun run ay naunang isinagawa sa Greenfield City sa Brgy. Don Jose sa Sta. Rosa,
Laguna noong Marso 12; Clark Development Corporation Parade Grounds sa Clark Freeport Zone sa Mabalacat, Pampanga noong Marso 5; at sa SM Mall of Asia Complex sa Pasay City noong Pebrero 26.
(AMB/PIA Pangasinan/PMCJr.-ABN)
March 24, 2023