DISMAYA NG DINASTIYA

NAGKAALAMAN na. Dumaan ang huling araw ng pagsampa ng mga kandidatura sa Comelec. Pitong araw na ang mga nag-aalangan, binuno ang desisyon kung sasama sa salpukan ng halalan na halos ay isang taong singkad pa magaganap. Nang mga araw ng paghain ng mga hangarin, hindi maitatatwa na malaking mga desisyon ang dinaanan
ng mga aspirante – sila ang mga mata ay mugto ng pinipigilang luha, sila ang mga dumaan sa matinding pag-usisa sa mga kaibigan at kamag-anak, sila ang mga tipong pinabili, ika nga, ng suka ay dumaan muna sa tanggapan ng Comelec upang ihain ang desisyong hindi biro-biro.

Mantakin mo na mula Oktubre 1 hanggang 8, bubunuin moa raw-araw kung itutuloy ang kandidatura. Marami ang mga aberya na haharapin upang maging pormal na maisama sila sa mga pagpipilian sa susunod na halalan. Oo nga, at halos ay isang taon ang gagawing kampanya. Kaya naman, alam natin na matindi ang dinaanan ng mga nagsampa ng kani-kanilang kandidatura. Matindi ang haharaping mga dagok at siphayo nito sa mga namumugtong-mata na
mga kandidato.

Kung nitong mga nakaraang lingo at buwan, puro paramdam ang mga hinaing ng mga umaasang mapabilang sa mga aarangkada para sa halalan, ibahin natin ang mga susunod na araw at linggo na darating, ngayong opisyal na silang haharap sa bayan. Lalo pang mamumugto ang mga mata, halos basag na ang mga tinig. Kasi ang ilan sa kanila, sa
pangalan lamang nangungunyabit mapabilang lang sa mga tila mga kabayong humulagpos sa linya ng karera.

Kung noon pa man, mga ilang buwan lamang ang nakaraan, ay wala tayong mararamdaman, ngayong naisampa na ang kandidatura, aba eh hayagan na. May mga pangalang iniingatan na hindi mabahiran ng pagkatalo sa dulo ng
karera. Ang iba naman ay ngayon pa lamang maririnig. Ito ang karerang pang-matagalan, halos isang taong singkad. Mula ng a-8 ng Oktubre, siguradong hindi na magkadaugaga si Mr at Ms Candidate. Kung karera ito, ilang libong ikot sa oval grounds.

Yung iba kumukuha ng bwelo, pero karamihan sa kanila ay parang karera ng daga ang ginagawa. Paikot-ikot sa
nilalargahan. Pasiko-siko kung kinakailangan. Pa-hampas-hampas ng ibang balikat, maka-ungos lamang ng tamang
distansya. Ang mahina-hina ang loob, sorry na lang. Ang hindi lang natin maintindihan, tulad ng isang kakilalang namamahala ng isang tirahan ng mga batang iniwan ng kung sino mang mga walang pusong magulang, baki daw
pumapayag tayong ihambalos sa ating kamalayan bilang mga botante, na dinastiya ang pinaiiral.

Nakumpirma nga na noong sampahan ng kandidatura, mayroon tayong mga kababayan na hayagang ipinahayag ang
kanilang hangarin na asintahin ang dalawang pinakamataas na posisyong panilbihan. Ano ka, mag-asawa pa mandin, target ay maging Alkalde at Kongresista. Anyare? Para bagang tahasang ibinalahura ang kay-tagal ng
tradisyon na kailanman ay hindi binahiran ng anumang hiya at sentido kumon.

Mag-asawang hayagang ipinagmamalaki na sila lamang, tanging sila lamang, ang may kakaibang kakayahan na pamunuan ang ating lungsod sa pamamaraang iwinasiwas ang anumang pagkabahala na tanging sila lamang ang katangi-tanging may karapatan na pamunuan ang Baguio. Wala ng iba, wala ng kaduda-duda – silang mag-asawa lamang. Kunsabagay, demokrasya ang tradisyon ng anumang halalan. Let the people choose and in their wisdom, ika nga, let them choose wisely.

Idagdag ko lang, let them choose decently and respectfully to the time-honored tradition of being decent at all times. Ingles nga po yan, na ibig sabihin sa nakabibinging paraan, mahiya po naman tayo. Wala na bang ibang pag-galang na ating maaasahan? Kaya naman, ngayon pa lang, mayroon na tayong nariringgan ng mga katagang tila ilang gabing binuno upang mailikha: “Ang nakaraan ay sinasabing puno ng mga liksyon upang gabayan ang paglalandas sa hinaharap.

Ngayon ang panahon na kailangan pag-ibayuhan pa ang mga gawain sa kasalukuyan, mabigyan lamang ng pagkakataon na ang mga darating na kinabukasan ay mapatingkad pa ang mga misyon at ambisyon.” Baguio, saan tayo patungo kung harapan tayong inaalipusta, kung hayagan tayong niyuyurakan ng mga walang ka-delikadesang mga desisyong hindi matatawaran ang paghasik ng insulto? Dinastiya – ito ba ang ating papayagang mamayani?#

Amianan Balita Ngayon