DROP-IN AT WARMING CENTERS SA LUNGSOD NG BAGUIO NAPAPANAHON

Binuksan kamakailan ng lungsod ng Baguio ang isang pansamantalang tirahan o silungan na tinatawag na Drop-in o Warming Center na nasa dating triage area ng Baguio Convention and Cultural Center BCCC) para sa mga walang tirahan at mga palaboy na nangangailangan ng isang ligtas na lugar o silungan para manatili sa loob ng maikling panahon upang matulog, magpalit ng damit, maligo at iba pa. Bukas din ang nasabing pasilidad para sa mga kabataan na pakiramdam ay hindi sila ligtas sa kanilang sariling mga tahanan at nangangailangan din ng isang ligtas na lugar at pati na ang mga gustong magpahinga o magrelaks ng isang gabi ay tatanggapin sa Warming Center.

Subalit, ang mga may alalahanin sa kalusugan ng pag-iisip ay tutulungang kumuha ng safe to shelter clearance mula sa BGHMC-Psychiatry department. Isang non-traumatic rescue sa pagtutulungan ng mga personnel mula sa Emergency Medical Service (EMS), City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC), BGHMC-Psychiatry Department, Mental Health Council, CSWDO at iba pang concerned agencies ang ginawa upang tulungan ang mga may sakit sa isip na palaboy at maaaring kupkupin sa center kung wala pang kapamilya na kukuha sa kanila.

Hangga’t maaari, ang pagrescue o pagliligtas sa mga “taong grasa” ay isasagawa sa isang ligtas, tahimik, at hindi-traumatikong paraan upang maiwasan ang hindi magandang karanasan sa panahon ng pagrescue. Ang kalusugan sa isip o mental health ay isang sama-samang pagsisikap lalo na sa pagitan ng komunidad at pamilya ng mga apektado, kaya ito’y alalahanin ng bawat-isa, ayon sa mga awtoridad ng kalusugan. Ang drop-in at warming centers ay nauso sa mga bansang malalamig ang klima lalo na kapag bumaba ng sobra ang temperatura at kailangan ng mga walang kakayahan at walang tirahan na mag-painit.

Samantalang ang mga drop-in centers ay nag-aalok ng ilang serbisyong panlipunan at tinatanggap ang mga kabinataan at kadalagahan na walang matutuluyan na manatili sa loob nito sa isang gabi at matulog upang mapalayo sa mga masamang elemento sa labas. Ang drop-in at warming center ay pinondohan ng lungsod ng Baguio na may
kapasidad na anim katao at naitatag sa pagtutulungan ng City Health Services Office, CSWDO, Baguio City Police Office, BCEMS, BGHMC- Psychiatry, Mental Health Council at iba pang concerned agencies at mga organisasyon.

Dahil sa tila tumitindi na ang lamig sa lungsod ng Baguio ay napapanahon ang nasabing pasilidad, ngunit sana ay magkaroon ng mas malaki at mas maluwang na pasilidad upang mas madami pa ang maserbisyuhan. Makakatulong ng lubos ang nasabing pasilidad upang maiiwas ang mga tao na mapariwara sa labas lalo na sa disoras ng gabi at magdamag. Magkaroon din sana ng 24-oras na emergency shelter na magseserbisyo sa pangkalahatang publiko, gaya ng mga may limitadong transportasyon at walang masakyan sa gabi, at walang mga akses sa kuryente lalo na sa mga may sakit nangangailang ng elektrisidad para sa kanilang gamutan at iba pang kagaya nito.

Sa tulong ng pasilidad na ganito ay maaaring mapababa pa o tuluyang maiwasan ang insidente ng mga krimen lalo na sa gabi at magdamag. Dahil nais siguro ng pamahalaang lungsod na maging ligtas ang mga residente, kailangan ding pagsilbihan ang pangkalahatang publiko.

Amianan Balita Ngayon