Drug test sa mga paaralan, kailangan ba talaga?

Editorial

Kung pagbabasehan ang mga nakaraang ulat at naging pahayag ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may mga estudyanteng gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at ginagamit ang mga ito ng mga drug pusher sa kanilang operasyon. Sa dami ng populasyon ng mga estudyante sa buong bansa at hindi rin maitatatuwang ang mga kabataang ito ay malapit at madaling mabuyo sa bisyo ay tiyak malaki nga namang merkado.

Dahil nga sa mga kabataan ang mga estudyante ay hindi aakalaing maaari silang masangkot sa operasyon ng drug pushers – maging anuman ang dahilan, andiyan ang pinupuwersa o binabantaan, dahil gumagamit na rin sila ng droga o maaaring napipilitan sila gawin ito dahil sa hirap sa buhay at nais kumita kahit sa masamang paraan. Maimpluwensiya ang droga sa mga kabataan at malakas ang hatak ng kabataan lalo na sa panahong ito dahil maraming “in”, mga moda at trend, mga gimikan at hindi ka “in” kapag wala kang kaalam-alam sa droga.

Base rin sa mga ulat at tala ay kalimitang iniuugnay ang mga krimen na sangkot ang kabataan/estudyante sa ipinagbabawal na droga. Isang sitwasyong kapag hindi napagtuunan ng mahalaga at kaukulang tugon at solusyon ay bubulaga na lamang ang isang napakalaking problema.

Sa gitna ng patuloy na giyera ng gobyerno laban sa illegal na droga at upang mapalawig pa ito ay iniutos ng Department of Education sa bisa ng isang executive order na magkaroon at magsagawa ang mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya ng kani-kanilang drug test sa ilalim ng randon at mandatory drug test. Kailangan ding sumailalim sa mandatory drug test ang mga guro at empleyado ng mga paaralan. Naunang iniutos ang drug test sa lahat ng opisina ng gobyerno at sumunod din ang ilang pribadong tanggapan bilang suporta sa kampanya. Sa mga ginawang naunang drug testing ay maraming isyu at anomalya ang nagsulputan na pinagdudahan ng marami ang tunay na layon ng drug testing.

Ngayon ay mga estudyante at kabataan na ang isasalang sa drug test at nawa’y hindi maabuso ang kanilang kahinaan at kamusmusan at baka maging biktima ng mga mapagsamantala maisulong lang ang kanilang kabuktutan.

Muli ay lubos ang aming suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga hangga’t ang mga hakbang at proseso dito ay naaayon sa lahat ng umiiral na batas at karapatan ng tao. Pmcjr.