DSWD DAPAT UMALIS NA SA PAGIGING AHENSIYA NG AYUDA

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay isang pambansang ahensya na inatasan ng batas na magbigay ng tulong sa mga yunit ng pamahalaang lokal, mga organisasyong hindi pang-gobyerno, iba pang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, mga organisasyon ng mga tao, at iba pang mga kasapi ng lipunang sibil sa mabisang pagpapatupad ng mga programa, mga proyekto at serbisyo na magpapagaan ng kahirapan at magbigay
kapangyarihan sa mga kapospalad na indibidwal, pamilya at pamayanan para sa isang pinabuting
kalidad ng buhay (ayon sa utos ng nakatataas numero 15 na inisyu noong 1998).

Nagpapatupad din ito ng naaayon sa batas at nagdadalubhasang mga programa na direktang isinampa sa kagawaran at / o hindi pa naibibigay sa mga mga yunit ng pamahalaang lokal (ayon sa utos ng nakatataas numero 221 na inisyu noong 2003). Ang dalawang pagpapalabas na ito ay nagdidirekta sa kagawaran na balansehin ang mga “pagpapagana at pagpapatupad” ng mga tungkulin habang ginagawa nito ang mga kritikal na tungkulin bilang isa sa mga ahensya ng gobyerno na nagpapagaan sa kahirapan. May bisyon ang ahensiya na pinapangarap na ang lahat ng mga Pilipino ay hindi makaranas ng pagkagutom at karalitaan, may pantay na akses sa mga oportunidad, na binigyang-kakayahan ng isang patas, makatarungan, at payapang lipunan.

Misyon din nito na manguna sa pagbuo, pagsasagawa, at koordinasyon ng mga patakaran at programa sa kagalingan at pagpapaunlad panlipunan para sa at kasama ng mga maralita, mahina, at kapospalad. At may pangako sa serbisyo na ang pangunahing halaga ng paggalang sa dignidad ng tao, integridad at kahusayan sa serbisyo ng kagarawaran: Maagap at Mapagkalingang Serbisyo Serbisyong Walang Puwang sa Katiwalian Patas na Pagtrato sa Komunidad. Sa makatuwid, and DSWD o Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan ay ang kagawarang tagapagpatupad ng Pamahalaan ng Pilipinas na responsable sa pangangalga ng karapatan ng bawat Pilipino sa kagalingang panlipunan at sa pagpapayabong ng pag-unlad ng lipunan.

Upang maipatupad ang mandato ng DSWD ay may iba’t-ibang programa ito upang makatulong maibsan ang kahirapan at upang mapabuti ang uri ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Ilan sa mga programa at serbisyo ay kabilang ang Supplementary Feeding Program, Sustainable Livelihood Program, Social Pension for Indigent Senior Citizens, Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Implementation of Centenarian Act of 2016, Listahanan, at ang bagong Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) at marami pang ibang programa.

Subalit biglang naging sentro ng mainit na isyu ang AKAP ng tila naguluhan at nagulat ang ilang Senador nang biglang lumitaw na parang mahika ang nasa PhP26.7 bilyon sa inaprubahang 2024 budget ng DSWD kung saan ang kuwestiyunableng pondo ay diumano’y para sa tulong pinansiyal ng ahensiya na AKAP. At gaya ng mga naunang mga programa na pinaghinalaang naging sanhi ng katiwalian ng ilang mga opisyal ng gobyerno at mga lokal na opisyal lalo na ang mga namumuno sa barangay, ang pondo ng AKAP ay hinihinalang nagamit (at nagagamit) upang hikayatin ang mga tao na pumirma pabor para mabago o maamiyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative.

Napag-alaman pa diumano ng ilang Senador partikular si Senadora Imee Marcos na ang lahat ng soft projects kabilang ang AKAP, AICS, TUPAD, MAIP at iba pang mga pagsisikap ay dapat dumaan sa opisina ng House Speaker. Mariing itinatanggi ng liderato ng Kongreso at mga kongresista na nagamit o nagagamit ang nasabing pondo para sa PI.  Isa pa ayon sa kongreso, katunayan daw ay inaprubahan ng Senado ang PhP26.7 bilyong pondo ng AKAP nang ipasa ang PhP5.768 trillion na 2024 national budget noong Nobyembre 28, 2023 at mismong si Senadora Marcos ang nagdipensa sa PhP245-bilyon na budget ng DSWD na pumirma pa sa “Amendments to Special Provisions” kung saan isiningit ang “AKAP”. Sino ba naman ang hindi masisilaw at matutukso sa daan-bilyong piso na mga pondo?
Kung ikaw ay isang mahinang opisyal o kawani ng gobyerno ay tiyak na mahuhulog ka nga sa kaway ng pagkakasala.

Isa ang programa ng gobyerno na “ayuda” ang naging mitsa ng katiwalian sa pagpapatupad nito na hanggang sa pinakapangunahing institusyon gaya ng barangay na siyang pinakamalapit na dapat sana’y tutulong sa mahihirap na siyang tunay na benepisaryo ng ayuda ay napagkakaitan at napagsasamanatalahan pa. And dapat na buong bahagi na para sa kanila ay nahahati pa at kung minamalas-malas pa ay “nganga” ang mahihita dahil sinagpang na
ng mga buwayang laging nakanganga at nag-aabang sa mga biyayang hindi naman para sa kanila. Kaya tama ang bagong hakbang ng DSWD na dahan-dahang isinasagawa ang aspetong pag-unlad ng trabaho nito sa pagtulong sa mga pinakamahihirap at unti-unting umalis sa pagiging “ahensiya ng ayuda” na hindi tinatanggal ang “kapakanang panlipunan” mula sa mandato nito. Dahil kapag walang nagbibigay ng limos ay walang mamamalimos.

Amianan Balita Ngayon