Duterte… minura, binastos ng mga kabataan!

Daplis Walang Mintis Opinion

Anak ng pating na baog naman pati ba naman mismong pangulo ng bansa natin, kaya nang murahin ng mga kabataan? Maryunes! Siyento porsiyentong pambabastos na ito at kawalan ng galang o respeto. Kapag minura mo ang pangulo ng isang bansa parang buong bansa na ang tama, di ba? Viral video ngayon sa internet ang ginawa ng mga kabataang bastos at nagmura kay Pres. Duterte. Paano ba nangyari ito at ano ang dapat na gawin sa yan? Busisihin natin.

**********

Tinawag ang mga pitong kabataang sangkot sa viral video ng pambabastos at pagmumura sa pangulo na – Malabon 7. Sa viral video makikita ang pito na nasa pot session at gumagamit ng marijuana. Isa sa kanila, ang pang-pito at huling sumuko at nakilalang si Randel Luis Roque ay makikita sa video na nagdedemo pa kung paano suminghot ng marijuana at nagmura kay Pres. Duterte sabay nag-‘dirty finger’ pa.  Hinikayat din niya ang pangulo na gawing legal ang marijuana dahil sa paniniwala niya na hindi naman ito nakakasira ng utak.  Narito ang ilan pang eksena at pinagsasabi:

– “Yan ang pinagkakaadikan namin ngayon. So what?” upak ng main suspect na si Randel.

– “Duterte i-legal mo na (ang Marijuana), P———mo!”  Maliwanag na upak niya sa video.

– “Humihingi lang po ako ng tawad sa Pangulo po. Wala po kaming intension na hamunin ang Pangulo,” dagdag pa niya. Nais niyang magtapos daw sa pag-aaral kaya nagdesisyong sumuko sa mga otoridad matapos mabalitaan na sumuko na ang anim niyang kaibigan na kasama sa viral video. Sila’y sina: Cornelio Aguilar, 22; Pen Ren Santos, 23; Cedric Acharon, 21; Juaneil Esles, 18; Kurt Edison, 22 at Immanuel Guerrero, 23. Ayon sa NCRPO (Chief Guillermo Eleazar) ang Malabon 7 ay mahaharap sa kasong paggamit ng illegal drugs at unjust vexation sa hindi nila paggalang sa Pangulo ng bansa.

**********

Dahil sa ginawang yan ng Malabon 7, grabe sa dami ang mga nagalit na mamamayan lalo na sa paggamit sa illegal na droga. Sabi nila: napakahigpit ang gobyerno kontra illegal na droga pero marami pa ring nahuhuli. Bakit hindi raw ba sila natatakot sa kamay ng batas na pinapairal ng Oplan Tokhang?  At sa pagmumura nila at pambabastos kay Pres. Duterte ibig sabihin na wala silang respeto sa ating presidente.  Iisa ang dahilan kung bakit malakas ang kanilang loob: lulong sila sa bawal na gamot. Hindi lang ang ginawa ng Malabon 7 na ito ang isang halimbawa ng kawalan ng takot sa ngipin ng batas kontra illegal na droga. Kamakailan lang, marami ang nasakote ng PNP/PDEA na sangkot sa illegal na droga. Meron pang mga gamit upang makagawa nito. Tsk tsk, napakarami na ang nakulong, nakasuhan, napatay dahil sa droga. Pero marami pa rin ang pasaway na parang hindi sila takot sa mabigat na parusa.  Bulong: dapat bigatan pa ang parusa.

**********

Balikan natin ang Malabon 7 case. Tiyak kulong ang mga yan. Pero may puso pa rin ang gobyerno. Sabi nga ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go na dahil sa marami naman tayong mga rehab centers sa buong bansa, tutulungan pa rin nila ang pito na marehab kung nanaisin nila ang pagbabago. Ang nakakatakot kasi sa video ng pitong kabataan ay pwede itong gayahin ng iba pang kabataan kaya dapat itong seryosohin at gumawa ng legal na hakbang.  Sabi nga ng mga otoridad at mga opisyal ng pamahalaan: huwag subukang pumasok sa droga upang di ka mapahamak.  Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos!