Ekonomiya o Kaligtasan ng kalusugan

Editorial

Tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng turismo ng Lungsod ng Baguio sa Setyembre 22 para sa mga lokal na bisita at turista na magmumula lamang sa Rehiyon 1. Kamakailan ay nagkasundo ang mga lokal na opisyal sa Rehiyon 1 at si Mayor Benjamin Magalong na buksan ang kani-kanilang lugar para sa turismo na ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na ang Baguio, La Union, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte ay magiging bahagi ng isang “tourism bubble” upang mapasigla ang ekonomiya sa gitna ng pandemya sa COVID-19. Upang maiwasan ang pinangangambahang pagkahawa at pagkalat ng sakit ay limitado muna sa 200 bisita kada araw ang papayagang makapasok sa Baguio.

Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na kailangan na nilang buksan ang lungsod sa turismo upang pagalawin ang ekonomiya sa gitna ng krisis sa kalusugan na mag-aanim na buwan nang nagpapahirap sa mga mamamayan. Tinataya niya na nalugi na ang kita sa turismo ng PhP1.7 bilyon mula ng mag-lockdown noong Marso. Ang nasabing lugi ay maaaring umakyat pa sa PhP4 bilyon kung hindi nila bubuksan ang turismo hanggang sa pagtatapos ng taon.

Bilang pagtugon at masigurado na masusunod ang health and safety protocols gayundin ang mga agam-agam at pangamba ng mga residente ng Baguio ay naglabas ang lokal na gobyerno ng Lungsod ng Baguio ng mga requirements para sa mga turista mula Rehiyon 1 na papayagang makapasok sa lungsod simula Setyembre 22.

Ang mga nagnanais bumisita sa Baguio ay unang pupunan ang isang health declaration form sa pamamagitan ng online na mula sa website ng lungsod sa hdf.baguio.gov.ph. Tatanungin ang mga turista ng kanilang personal information, ang layunin ng kanilang biyahe, contact person sa lungsod, sasakyan na gagamitin nila, destinasyon, larawan, at travel clearance.

Susuriin ng LGU ang form at kokontakin ang mga turista hinggil sa estado ng kanilang rehistrasyon. Magkakaroon ng mga checkpoint na may triage areas sa mga hangganan (border) ng lungsod. Sa unang triage ay kukunin ng mga awtoridad ang reference number ng health declaration from ng mga turista sa panahon ng pagpasok. Para sa ikalawang screening sa Teacher’s Camp ay sasailalim ang mga turista sa isang temperature check at magpririsinta ng isang medical certificate. Magsasagawa ang isang nurse ng interbyu para sa health evaluation ng mga turista.

Kinakailangan din na mag-book ang mga turista ng hotel accommodation at sasailalim sa isang COVID-19 test habang nasa hotel. Kung negatibo ang resulta ay saka lamang papayagan silang mag-ikot at mamasyal sa lungsod. Sa requirements pa lang para sa health at safety protocols ay napakahabang oras at panahon na ang mauubos at kung mainipin ang turista ay hindi kaya mabagot ito na imbes mahikayat umakyat ng Baguio ay baka madismaya na dahil maraming rikisito?

Halimbawa ay tatlong araw lamang ang kaniyang kayang bakasyon, ang paunang proseso ay halos isang araw na at ang paghihintay ng resulta sa COVID-19 test at inaabot ng isa hanggang dalawang araw, may panahon pa kaya siyang damhin ang bakasyon?

Base sa pagtaya ng City Tourism office ay nasa PhP2,700 ang average na ginagastos ng isang turista sa isang araw. Sa 200 na bisita sa isang araw ay papalo sa PhP540,000 bawat araw ang gagastusin nila sa lungsod o sa isang buwan ay nasa PhP16,200,00 na kung hanggang Disyembre ay papalo ito sa PhP48,600,00. Kung tama ang kuwenta ay napakalayo ang halagang ito sa inaasahang PhP1.7 bilyon na kita ng lungsod sa mga pinakamalakas na panahon ng turismo.

Kailangang balansehin ang ekonomiya at kaligtasan ng kalusugan kaya kahit unti-unti ay minabuti ng pamahalaang lungsod na buksan ang turismo ngunit sa ilalim ng pinakamahigpit na health and safety protocols. Subalit hindi maiiwasan mangamba ang maraming residente dahil may mga pagkakataong pumapalya ang mga tests at may nakakalusot na may impeksiyon na.

Umasa na lamang tayo na sa pagbukas ng turismo at mahigpit na pagtugon sa mga health protocol at ibayong pag-iingat ay huwag sana tayong malusutan ng sakit, dahil parehong mahalaga ang ekonomiya at kaligtasan ng kalusugan.