Turismong Pilipino para sa Pilipino

Opinion

Kahit na may agam-agam, kahit na balisa ang mga tinig ng mga nag-aaalala, tatlong araw mula ngayon ay pormal ng ilulunsad ang programang layunin ay muling buhayin ang turismo dito sa lungsod.

Ang tawag sa proyekto ay Reef to Ridge, isang uri ng turismong binalangkas upang bigyang daan ang pagbisita sa Baguio at mga probinsyang kailokohan, ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.

Sa Martes, mismong si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat ang dadalo sa pagpapasinaya ng natatanging programa na bubuhay sa lugaming negosyo at trabahong apektado ng pagbagsak ng turismo nitong halos ay kalahating taon.

Kalunos-lunos ang hirap at pasakit sa maraming naapektohan ng biglaang pagsara ng Pinas sa anumang paglalakbay ng sinoman, banyaga man o Pinoy sa mga kadahilanan walang halaga sa pambansang paglaban sa pandemya.

Pagkaraan ng anim na buwan, muling bubuhayin ang turismo upang bigyang sigla ang paglalakbay, bigyang pagkakataon ang mga taga Baguio at taga Ilokos na makabisita sa kani-kanilang karatig-lugar na iisa ang quarantine category na ngayon nga ay modified general community quarantine.

Ito pa lamang ang kauna-unahang programang magsisimula ng pagbangon sa industriya na madiin ang pagbagsak dahil sa pandemya, at kahit manawari ay magsilbing aralin ito sa iba pang mga magkakalapit na lugar sa bansa upang simulant din nila ang sariling kaparaanan.

Kahit na may halong tuwa at pagkabahal ang malimit nating marinig nitong huling mga araw, atin itong isinasantabi ng panandaliang panahon upang bigyan ng pagkakataon na subukan ang
mga patakarang sigurado namang naurirat ng mga magpapatupad ng programa. Sa wikang Ingles, why not give it a decent chance to get going?

Dapat naman na bigyan ng pagkakataon ang mga programang tulad nito. Hindi maitatanggi at ating kinikilala ang mga panunuri ng ilan nating mapagmasid na taasan ng kilay ang plano. Alam din natin na hindi nagkukulang ang mga mapagmasid na maging mapag-alala. Baka lumubha ang kalagayan ng ating lungsod sa gitna ng pandemyang patuloy pa rin ang pananalasa sa bawat
isa? Paano na ang kaligtasan na masusing ring binabantayan ng lahat — ng pamahalaang lokal, ng mga nangangasiwa ng ating kalusugan, ng bawat komunidad na maya’t maya ay nasa lockdown?

Dalawang aspeto ng programa ang pinagtutuunan ng masusing pansin — ang buhay o ang kabuhayan? Paano kung biglang lumobo ang bilang nga mga nahahawaan ng nakamamatay na sakit? Paano ang gagawing pagbabantay upang maseguro na ang hawaan ay maiwasan, at ang bawat isa, turista man o taga-rito, ay mailayo sa peligro ng sakit?

Sa paglalahad ng kinauukulang tagapangasiwa, ang programa ay sisimulan sa pagrerehistro ng pagnanais na makasama sa paglalakbay. Gagawin ito online at lalakipan ng mga test clearances na galing sa health, barangay at police sa lugar na panggagalingan ng bisitang aplikante. Kung mayroong specific test na dapat ay naipasa ng aplikante — antigen man o PCR — ito ay sagutin ng nag-aaply na turista.

Pagdating naman sa boundary ng pupuntahang lugar, dadaan ang turista sa pagsusuri ng mga namamahala ng border, na sa Baguio ay tahasang Marcos Highway at Naguillan Road. Kung naayon ang test result na kanilang ipapakita, sila ay sasamahan sa triage facility upang muling isailalim sa pagsusuri.

Isa lamang nakababahalang pagpuna: bakit sa kasalukuyan, tatlong araw bago pa man mailunsad ang programa, ay tila wala pang sinasabing strategic guidelines ang ipatutupad na patakaran
para ang mga ito ay maayos na masunod?

Handang-handa na ba tayo sa muling pagbukas sa turismo n gating lungsod? Sapat ba ang ang kaayusan ng ating mga tourist attractions — ang Burnham Park, ang Camp John Hay, ang Botanical Park, ang Central Public Market at iba pang tradisyonal na dinarayo ng mga bisita?

Paano natin mababantayan na ang bawat lugar na nasa kanilang listahan ng mga bibisitahin ay nasa tamang regulated number at kung puno na ay dagliang maipagbabawal ang pagpasok ng iba pang turista at mailihis sa ibang lugar na kakaunti ang dumayo? Ilang tao ang kinakailangan upang maseguro natin na ang bawat galaw at kilos ng mga darating na bisita ay may pagsunod sa alituntuning nakalatag?

Hindi maiwawaksi ang pangangailangan ng lungsod na buksan ang mga nakasarang negosyo. Turismo ang syang pangunahing pinagkakakitaan ng marami. Malawak ang benepisyong ang ugat ay ang patuloy na pag-bisita sa ating lugar na kilala sa buong bansa at maging sa ibang panig ng mundo na paboritong pasyalan at destinasyon.

Dapat din nating bigyang halaga ang matagal ng idinadaing ng mga lubhang apektado ng pandemya. Mga negosyong bumagsak, mga trabahong naunsyami, mga kita na dagliang naglaho dahil sa mga naisarang aktibidad sa ekonomiya.

Ang mahalaga ay mayroon tayong pagpapahalaga sa bawat isa. Buhay o kabuhayan ay hindi dapat pinagpipilian. Sang-ayunan natin ang ginagawang pamamaraan ng Ama ng Lungsod, si Mayor Benjie, na ang paglaban sa pandemya ay hindi nangangahulugang maglagay tayo ng piring sa ating mga mata upang hindi makita ang sitwasyon ng paghihirap, ang pagsasakripisyo ng bawat isa.

Diskarteng malinaw ang direksyon ang patutunguhan natin sa pagbangon.