Empleyado ng department store, arestado sa pagnanakaw

LUNGSOD NG BAGUIO – Arestado ang isang empleyado ng department store bandang 9:40 am ng Oktubre 1, 2018 sa Luneta Hill, Baguio City.
Inireklamo ni Joseph Andrei Laza Asprer, 29, CRS Supervisor ng SM Department Store, ang suspek na kinilalang si Jerry Orpilla Quijon, 35, empleyado ng nasabing department store bilang maintenance personnel at residente ng Purok 1, BGH Compound, Baguio City.
Sa imbestigasyon, napag-alaman ni Asprer ang insidente mula sa isang duty civilian guard na si Dionel Ordinaryo Porlokas na nagsabing habang siya’y naka-duty, nakita niya diumano si Quijon na kinuha ang isang wristwatch at itinago sa ilalim ng kaniyang shirt at nagtungo sa kaniyang metal locker upang ibalot ang nasabing item at itago. Dahil dito, kinausap ni Asprer si Quijon at inamin nito ang ginawa. Matapos nito ay nakuha ang black sport wristwatch na nagkakahalaga ng P699.75 mula sa locker ng suspek.
Inaresto ng mga rumespondeng personnel ng Station 7 ng BCPO ang suspek at dinala sa police station. Ang kaso ay nasa inquest proceedings.

Amianan Balita Ngayon