Sabi nila, bata pa sina Adan at Eva uso na ang epalan o angkasan. Yun bang para maka-epal ka, angkas ka na. Kuha ninyo? Kahit daw sa panahon ni Poong Hesus, wala kayang epalan o palakasan sa mga Disipulo? Mahirap pakialaman ire pero marami na tayong mga birong narinig. Kaya nga daw may naghudas sa kanila dahil maaaring sablay ang kanyang pag-epal o baka di pansin o baka sadyang siya’y may dugong hudas. Meron din daw duwag na umepal. Kahit tatlong beses mong tanungin, iwas pusoy pa rin siya. Walang pinag-iba ngayon sa mga senate hearings, di ba? Ayaw sumagot. Kasi may gustong takpan, o baka totoong wala siyang alam sa tinatanong. At kung sa mga pulitiko ang tawag daw sa mga mahilig sumakay sa mga isyu para makilala lang ay – epalitiko. Naku po, bawal na po yan mga pards. Ganern? Yap, ganern, pards. Fafano, este paano na ngayon?
******
Umpisahan natin ang mga samut-saring ehemplo ng ka-epalan. Sa tuwing may mga okasyon sa isang lugar, mula barangay pataas, may mga bandiritas o tarpaulin na nakasamburga riyan ang pagbati ng mga opisyal ng pamahalaan. Ang siste, higante ang sukat ng nakangising mukha at halos hindi na mabasa sa liit ang katagang – congratulations. Hindi lang yan. May mga pagawa o proyekto ng gobyerno. Nakasalampak sa malaking billboard ang mukha ng nagpagawa raw na opisyal. Bakit, sa iyo ba ang pera ng gobyernong nagastos sa project? Di ba pera yan ng bayan? Bakit mukha mo lang ang nariyan? Di ba, pang-eepal na yan, bok? Tuloy akala naman ng marami, ikaw nga ang bida. Panghatak ng suporta o buto sa eleksiyon. He he, ang kapal namang ka-epalan yan, men. Mahiya naman tayo.
******
Pero kung ang mukha ng presidente o mga pulitiko o mga opisyal ng pamahalaan ang nakabulaga sa mga opisina ng gobyerno, paaralan at kauring lugar, hindi raw ba ito ay ka-epalan? Halimbawa, sa opisina ni mayor, gobernador, kongresman, senador o konsehal o barangay kapitan ay may nakasabit na larawan ng presidente o bise presidente, ano ito? Sabi nila bilang paggalang at respeto raw sa mga nasa larawang yan kung bakit nakakuwadro pa at nakasabit. Sabi naman ng iba, para makilala na sila ang kasalukuyang boss. Pero dapat ba ito o hindi?
******
Bawal na ang pagsabit ng larawan ng “epal” na mga pulitiko sa mga tanggapan at mga ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang government owned and controlled corporation, state universities and colleges at lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Yan ang nilagdaang Memorandum Circular #25 ni Pangulong Duterte. Pati pagsabit sa kanyang larawan, bawal na rin. Naaasiwa raw siya rito. Sa halip na mukha ng mga pulitiko ang isabit, palitan na lamang daw ng larawan ng mga bayani gaya nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini at iba pang bayani. Layunin ng kautusan ng pangulo na mapalakas ang nasyonalismo ng mga Pilipino at paggalang sa mga bayani para mabigyang halaga ang kasaysayan ng bansa. Ayos at napapanahon ang kabawalang ito. Mahilig kasi tayo sa epalan, aminin man o hindi. Pati nga numero ng bahay at business permit, may mukha ng mga opisyal ng gobyerno. Buti pa raw sa pera, mga bayani ang kargang larawan at mga patay na. Tsk tsk… baka pati underwear meron ng mukha ng jowa niya. Sus maryusep!!! Adios mi amor, ciao, mabalos.
******
Please share your experiences with LOLO DORO “JIMMY LUZANO” AKA MR. CARIÑOSO as we celebrate 50 years in the industry. Send comments at 0928-506-5269. Thank you.
September 30, 2017
September 30, 2017
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025