“Epal” sa panahon ng eleksyon

Opinion

Habang papalapit ang eleksyon, muling nagsusulputan na naman ang ilang epal na pulitiko, na gustong magpapansin at gumawa ng kung anu-anong programa at endorsement na kunwari ay suportado ang mga kandidatura sa national candidates sa pamamagitan ng “signature campaign” na ang gagamitin ay mga botante.

Isang signature campaign daw ang ikinakalat ngayon ng isang local politician para utusan ang barangay na magpa-pirma sa iniindorso nilang kumandidato sa mataas na posisyon sa nasyunal. Nakakagpataka naman bakit gagamitin ang barangay para magpa-pirma sa mga tao. Hindi ba niya alam na BAWAL po ang barangay na makisawsaw sa anumang local at national elections.

Kung magtatagumpay siya sa “signature campaign” niya, makikinabang po ba ang barangay at mga taong pumirma?. Siyempre hindi naman po bobo ang mga botante ngayon, dahil alam nila na ito ay isang propaganda na pansariling interest lamang.

Kasi nga naman, kapag hawak niya ang signature campaign material ay magpapaepal ito sa kandidato at kasunod nito ay paghingi ng ayuda para sa kanyang kandidatura.

Bukod dito, tuwing may eleksyon, dadami na naman ang iba’t ibang organisasyon, na gagamitin lamang para magpa-epal sa mga kandidato. Tama ba Pekto?

Sa panahon po ngayon ng pandemya at habang papalapit ang eleksyon, HINIHIMOK ko po ang bawat botante na isa- PUSO at isa-ISIP ang pagpili ng tamang kandidato na makakatulong sa tao at sa bayan.

Hindi po malulutas kung pa-epal lamang ang isang pulitiko sa dinadanas nating pandemya at pagbagsak ng ating ekonomiya. Kaya kayong mga pulitiko, huwag na po pa-EPAL, kung gusto ninyong sumipsip sa isinusulong nyong kandidato sa nasyunal ay huwag nyong gamitin ang pirma o’ lagda ng botante para lang sa pansarili ninyong kapakanan.

Kung kandidato kayo, isa- PUSO nyo naman ang inyong serbisyo sa tao at sa bayan, hindi lamang sa panahon ng eleksyon, kundi sa panahon ng kayo’y nakaluklok sa puwesto.