Estratehikong direksiyon sa pagbabago

Editorial

Isa si Mayor Benjamin B. Magalong sa mga bagitong politiko sa bansa na imahe ng bagong pamumuno at pag-asa tungo sa inaasam na mga pagbabago – una ang pagpapataob nila sa mga datihan at establisadong politiko na namuno sa napakaraming taon at pangalawa ang nakikitang agresibo at tila matatag nilang paninindigan.

Lilinisin nila ang kanilang nasasakupan ng anumang dumi at kalat para sa pagbabago at kapakanan ng mamamayan. Bago ang kaniyang pag-upo bilang alkalde ng Baguio City ay inilahad na niya ang kaniyang sampung puntong agenda sa susunod na tatlong taon na babago sa walang-alinlangang Summer Capital tungo sa isang mas mabuting Baguio.

Sinisiguro din ni Magalong na ang kaniyang tatlong taon na termino ay kakikitaan ng mga pagpapatupad likha ng mga polisiya na bubuuin ng ehekutibo at lehislatibo upang makamit ng pamahalaang lungsod ang nasusukat na mga resulta sa pagpapabilis sa aksiyon ng gobyerno, muling pagpapasigla sa kaligiran, inobasyon sa mga kondisyon ng kapayapaan at kaayusan, agresibong pamamahala sa trapiko, tumutugong edukasyon, pagbibigay-kapangyarihan sa kabataan, pagpapalawig ng mga serbisyo sa kalusugan at panlipunan, responsableng turismo, pagpapasigla sa kultura, sining, mga gawang-kamay at pamana, gayundin ang pagsasa-moderno sa pampublikong pamilihan ng lungsod.

Sa susunod na tatlong buwang darating ayon kay Mayor Magalong ay may ilang ahensiya ng gobyerno ang bibisita sa Baguio upang tingnan at suriin kung paano pinakamabuting makakuha ng tulong mula sa national government sa posibleng mababa o baka walang gastos ang lungsod.

Sa ngayon ay kailangang maging handa ang pamahalaang lungsod na mabigyan ang mga bibisitang technical expert ng lahat ng totoong impormasyon at numero na kailangan para maisulong ang iba’t-ibang programa, mga proyekto at aktibidades, espesipiko ang isang integrated command center upang epektibong mapangasiwaan ang kapayapaan at kaayusan, responde sa trapiko at sakuna, transport terminals at multi-level parking buildings; tenement-type buildings para sa socialized housing; waste-to-energy facility; zero waste facility; sewer and water treatment plants and sewerage system; modernized market; free wifi connectivity sa mga pampublikong lugar; automated system ng City Hall; cooperative-based livelihood program; preventive health care system, at green enterprise.

Binigyang-diin ni Magalong na sa tamang oras, ang mga espesipiko ng mga nasabing programa ay isusumite sa konseho ng lungsod para sa nararapat na konsiderasyon at tamang awtoridad na magsisimula bilang pagkilala sa kanilang ehekutibo at lehislaturang papel sa mga trabahong paglikha-ng-polisiya ng mabuting pamamahala.

Ipinagdiinan pa ni Magalong na ang kaniyang mabuting pamamahala ay naka-angkla sa etika at integridad, sa transparency at accountability, sa kakayahan, sa pagiging patas, sa kadalisayan ng hangarin, at higit sa lahat at napakahalaga – sa pagiging mapagpakumbaba. Sa ganitong pamantayan ay masusukat ang kaniyang mga desisyon at aksiyon na kung saan ang mas nakakaraming mabuti ang ultimong isinaalang-alang.

Siniguro pa ni Magalong sa mga residente at bisita na magtratrabaho siya mula sa ibaba at hindi sa itaas, ang mga tao, kung saan ang pangangailangan ng iba ay laging magiging pangunahin kaysa kaniya sa lahat ng oras at pagkakataon.

Panghahawakan daw niya ang kahalagahan ng pagpapakumbaba kaysa awtoridad, karakter kaysa karera, ng katapatan at gawaing-kamay bilang tatak at pagkakakilanlan ng epektibong pamumuno, na katinig ng kaniyang mandato at pagyamanin at itaguyod ang pagiging bukas sa publiko at nananagot.

Hangarin ni Mayor Benjamin B. Magalong ang permanente at pangmatagalang mga solusyon gamit ang mga nakahandang teknolohiya sa pamamagitan ng isang “strategic direction” na nakatutok sa pagresolba sa mga problema ng Baguio sa basura, parking at trapiko, umuunting suplay ng tubig, polusyon sa tubig at hangin at iligal na kalakalan ng droga, gayundin ang iba pang problema ng lungsod.

“Admittedly, these core-ideas are initiating principles that may well serve to generate more ideas for greater consensus with you. No man or woman has exclusive monopoly of the good things to state by way of solemn covenant. Agenda preparation is always a work in progress.

As earlier professed, mine is a leadership that listens with an open mind. It will be that way in our journey together. As we work, as we endeavor, as we roll up sleeves to make Baguio desirably better. This we can achieve by working together. And winning together.” – Mayor Banjamin B. Magalong.

Totoo, hindi kayang mag-isa ni Mayor Benjamin B. Magalong ang pagsasa-ayos at pagpapabuti sa ating mahal na lungsod ng Baguio. Kailangan ang kooperasyon, pakikipagtulungan, pakikipag-kaisa, disiplina at higit sa lahat ang pang-unawa ng bawat-isa na hindi makakayang makamit ang lahat ng pagbabago sa tatlong taon lamang – ang mahalaga ay maumpisahan ito ng may paninindigan at maipagpatuloy kahit tapos na ang tatlong taon… ng walang masyadong kulay-pulitika!