Everlasting, planong paramihin sa Benguet

LUNGSOD NG BAGUIO – Inilahad ni Marie Venus Tan, regional director ng Kagawaran ng Turismo ng Cordillera, ang plano ng ahensya na palawigin ang pagtatanim ng everlasting na bulaklak sa lalawigan ng Benguet.
Sinabi ni Tan sa idinaos na Kapihan sa La Trinidad noong Pebrero 8 sa Strawberry Field ng Benguet State University na bahagi ito ng Rev-Bloom Campaign ng DOT upang muling buhayin ang pagtatanim ng iba’t ibang cut flowers, lalo na ang everlasting, sa lalawigan ng Benguet.
Aniya, layunin ng proyekto na paramihin ang everlasting na nagisisilbing pagkakakilanlan ng lalawigan.
Nanawagan din si Tan sa mga opisyal ng Tuba na magtanim ng everlasting sa lahat ng bahagi ng Sto. Tomas para mapanatili ang pag-unlad ng lugar. “We will re-open it to sustainable practices and sustainable development. One of the things that I would like to do in the tourism side is to brand the area.”
Dagdag pa niya, magkakaroon din ng mga patimpalak kung paano gumawa ng ibang produkto gamit ang bulaklak. “The ultimate aim is that everlasting will be known again. I want to see the big hotels in Manila to have everlasting and other flowers in their lobbies.”
Hinimok din ni Tan ang mga plantasyon ng bulaklak na ipunin ang mga bulaklak na ginagamit sa Panagbenga para gawing palamuti at iba pang produkto para magkaroon ng ibang pagkakakitaan.
Nanawagan din siya sa mga opisyal ng Benguet na makipagtulungan sa DOST para magamit ang kanilang makina sa paggawa ng mga sabon mula sa langis ng bulaklak.
Sinigurado ni Tan na susuportahan ng ahensya ang lalawigan kung sakaling matuloy ang nasabing proyekto. Malou Aticao, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon