Ex-chairman at kandidato, namigay ng campaign materials noong eleksyon

Huli sa camera ang dating barangay chairman na isang reserved colonel ng Philippine Air Force habang namimigay ng campaign materials 20 metro ang layo mula sa polling precinct lagpas 8am sa mismong araw ng halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Ayon kay law professor Lauro Gacayan, “it is time to cleanse Baguio of election law violators”, matapos na nakuhanan sa camera ng anak nito ang pamimigay ng mga campaign materials ng dating Palma-Urbano barangay chairman Alberto Reyes at Palma-Urbano barangay chairman bet Boy Cruz.
Ayon kay Gacayan, kinilala ni Association of Barangay Captains president at Councilor Michael Lawana ang dalawa sa larawan na nakunan ng kaniyang anak.
Sinabi ni Gacayan na pormal siyang maghahain ng reklamo laban kay Reyes at Cruz.
Bigo pa rin ang pagsisikap na makausap ang dating barangay chairman Reyes, na ang pamilya ay mula sa maimpluwensiyang political clan sa lungsod, at ang kumandidatong si Cruz.
Sinabi ni Comelec-Baguio Election Supervisor Atty. John Paul Alegre Martin, “that is welcome,” at idinagdag na “let the formal charges against those persons be filed”.
Kung mapatunayang guilty sina Reyes at Cruz, nahaharap sila sa perpetual disqualification mula sa public office, ayon kay Gacayan. Maliban sa disqualification, ang pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi tataas sa anim na taon nang walang probation ay maaari ding ipataw sa kanila.
Sa Section 5 ng Art. IX-C ng 1987 Philippine Constitution ay isinasaad din na “no pardon, amnesty, parole, or suspension of sentence for violation of election laws, rules, and regulations shall be granted by the President without the favorable recommendation of the Commission,” banggit pa ni Gacayan.
Inihayag din ni Martin na mayroong ilan pang nahuling lumabag sa pamimigay ng sample ballots malapit sa polling precincts umaaga ng Lunes. Nangako siya na ang mga lumabag sa election law ay pormal na kakasuhan para mabigyan ng leksyon.
Bandang 9:30am, nahuli si Nestor Tabuyan Pelino, 48anyos, mula Upper Pinget Barangay ng lungsod, ng mga miyembro ng Public Order and Safety Division (POSD) na namimigay ng sample ballots sa loob ng polling precincts ng Baguio Central Elementary School, katabi lamang ng Baguio City Hall. A. ALEGRE
 

Amianan Balita Ngayon