Executive Order ni Digong, wala raw silbi?

Daplis Walang Mintis Opinion

Tapos na ang ngilin o selebrasyon ng Araw ng Paggawa o Labor Day. Ngilin para sa mga patuloy na nadidismaya o nagngingitngit pa rin sa kaganapan sa bansa kung buhay-manggagawa ang usapan. Selebrasyon naman para sa mga kuntento sa estado ng pagawa. Kayo…? Anong say ninyo sa pinirmahang Executive Order (EO) ni Pres. Duterte noong Labor day?  Sala-salabat ang sigaw. Palpak daw at walang silbi sabi ng ilan. May basehan sa konstitusyon ang EO, daplis naman ng iba.  Huwag daw kasing basta dumada. Tulungan natin ang ating sarili dahil hindi tayo mabubuhay na laging umaasa – upak naman ng mga nakakatanda at nakakaunawa sa mga batas-paggawa. Haayyy buhay, sige sundutin natin ang isyung ire.

******

Bago pa man ang Labor Day (May 1), sandamukal na ang mga dakdak. Kaliwa’t kanang batikos at banta ang muling umalimbuyog sa lipunan. Walang pinag-iba sa mga eksena sa nakalipas na maraming taon. Tuwing Labor Day may protesta, sigaw-programa-batikos-puna-tensiyon sa pagitan ng mga raliyista at otoridad, sakit at pagsusunog ng mga bagay na ayaw nila lalo na ang mga mukha ng mga nakaupong opisyal.  Taon-taon na ganito ang eksena. Hindi na nabago. Na ang ibig sabihin, hindi sila kuntento. Punuin man nila ang mga lansangan, hindi raw sila ang kabuoan ng papulasyon ng bansang Pilipinas. Ang sigaw nila ay para lang daw sa mga taong ayaw tumanggap ng pagbabago na ang nakikita ay iisang direksiyon lang, ang kasiraan ng administrasyon. Kung may dikta sa kanila ng kung anong grupo, hindi na ito lingid  sa kaalaman ng nakararaming mamamayan. Tanggap na kasi natin ang mga eksenang yan sa tuwing Araw ng Paggawa.

******

Dumating ang Labor Day, sorpresang pinirmahan ni Pres. Duterte ang kontrobersiyang E.O. na sa pagkakaalam ng marami ay hangganan na ng kontraktuwalisasyon o ang ENDO. Ang akala ng marami ay tapos na ang maliligayang araw ng mga nagsasamantalang kapitalista na yumurak sa karapatang maging regular na empleyado sa kanilang mga manggagawa.  In short, barado raw ang akalang grasya naging grasa o disgrasya. Pera na, naging bato pa, sambit ng mga matatabil ang dila. Wala raw silbi kung ganoon ang E.O dahil napapaboran pa rin ang mga employer o may pagawa.  Natural lang ito na reaksiyon mula sa panig ng mga manggagawa. Matagal na tayong umaasa, ngunit barado pa rin. May pangako kasi si Digong noong eleksiyon na kapag siya’y nasa Malakanyang na, wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon.  Ngunit ayon mismo sa mga mambabatas, wala sa poder ng isang pangulo ang basta na lamang magpawalang-bisa sa mga umiiral na batas. Dapat ay idaan sa proseso. Yan ang dahilan kung bakit sabi ng palasyo, na kahit pirmado na ang E.O, kailangan din ang batas mula sa Kongreso (House/Senate). Kaya lang dapat ipabatid muna sa madla na hindi saklaw ng batas na umiiral sapul pa noong 1987 ang lahat ng uri ng pagawa na kinakailangan ang kontraktuwalisasyon bagamat merong mga pagawa na dapat wala ito.

******

Tanong: meron bang butas o kahinaan ang batas sa paggawa kung bakit nasamantala ang isyu ng kontraktuwalisasyon?  Ayon sa mga legal na luminaryo, merong butas o kahinaan kaya nga’t may panukalang batas na sa kongreso upang mabago ito.  At kapag naging batas na, hindi na kailangan ng Executive Order.  Asahan natin na sana’y sa malapit na hinaharap, sa pamamagitan ng bagong batas ay graduate na rin tayo sa mga protesta sa tuwing Labor Day.  Sa ating pananaw, ang sigaw nila sa lansangan ay tapik o kanti upang tayo ay kumilos at makatuhan para sa masa.  Adios mi amor, ciao, mabalos!