FAKE BOOKINGS, PERWISYO SA MGA FOOD DELIVERY RIDER

BAGUIO CITY

Nakakaranas pa rin ngayong ang ilan sa mga food delivery riders ng pekeng online order, na kapag idedeliver na ang nasabing order, ay hindi na makontak ang customer. Ayon sa ilang riders ng sikat na food delivery apps, ang mga pekeng delivery order na kanilang natatanggap ay nagmumula lamang sa iisang lugar sa Baguio City. Gayumpaman, kahit gaano katagal at kadalas nilang tawagan ang numerong ginagamit sa paglalagay ng delivery ay walang sumasagot at tumatanggap ng kanilang delivery.

Ayon pa sa kanila, umaabot sa P900 hanggang P2,000 ang halaga ng order sa iba’t ibang establisyemento ang kanilang natatanggap na nagiging sanhi ng perwisyo sa kanilang pangkabuhayan. Ayon sa mga Food Panda Riders hindi lang abala kung hindi maaaring pagsuspinde at pagkawala ng kanilang trabaho ang epekto ng pagkakaroon ng
madalas na pekeng mga order. “For Foodpanda Riders po malaking effect po ito sa trabaho namin dahil maari po kaming ma suspende ng 2 hanggang ilang araw at di kami makakapag trabaho po.

Suspend pag marami na kaming cancelled orders maari po kaming ma offboard or matanggal na ng tuluyan sa trabaho dahil iniisip po ng system na gumagawa kami ng di naayon sa trabaho namin” salaysay ni Audrey Abellada, isang food panda rider. Ayon sa Senate Bill No.2302 maaaring pagkakakulong at multa ang kaparusahan sa sinumang mahuli at mapatunayang gumawa ng pekeng order sa mga online.

Panawagan nila sa publiko “Sana po maging responsable sana po yong mga customer na umorder sa mga food delivery apps. Maging responsable po sana sila dahil di naman po kami naglalaro .Hindi din po libre ang gasolina napapagod din po kami, salamat po” panawagan ni Abellada. Nagsimula ang pagsikat ng ganitong uri ng kalakaran sa industriya ng Pilipinas nang magkaroon ng Covid-19 pandemic.

Eliezer Ramirez – UB Intern

Amianan Balita Ngayon