Gaano kaseryoso ang Baguio sa pagbabawal sa plastic?

Bago pa magkaroon ng Ordinance no. 35 series of 2017 o mas kilala sa tawag na “Plastic and Styrofoam-Free Baguio Ordinance” dito sa lungsod ng Baguio ay nauna nang naipasa ang Bayong Ordinance noon pang 2007 na naglalayon ding isulong ang pagbawal o paggamit ng ano mang plastic at styrofoam dito sa ating lungsod, ngunit hindi ito gumana dahil walang matinding implementasyon o pagpapalaganap sa kaalaman patungkol dito.
Sampung taon ang nakalipas, isa muling ordinansa ang ipinasa; nasaan na ba tayo ngayon?
Mula pa noong Mayo taong kasalukuyan, nang simulan ang pagpapatupad nitong ordinansa na nagpapaigting sa pagbabawal ng paggamit ng plastic at styrofoam dito sa lungsod ng Baguio ay may malaki na nga talaga itong epekto. Ngunit sa kabilang banda, marami pa rin talaga ang hindi sumusunod dito kabilang na ang mga pamilihang may malalaking pangalan. Ito kaya’y dahil sa ibinigay ni Mayor Mauricio Domogan na tatlong buwang palugit sa mga tindahan at establisimyento na ubusin ang kanilang mga stock ng plastic o sadyang wala lang talagang disiplina ang mga ito?
Nakuha rin ng ibang mga pamilihan ang aking atensyon sa paggamit nila ng diumano’y biodegradable plastic na kapalit sa ating nakasanayang regular plastic. Pero hindi ba ikinokonsidera pa rin itong isang uri ng plastic na kinakailangan din ng mahaba-habang panahon para mabulok? Dahil ayon sa pag-aaral na isinagawa ng United Nations Environment Programme (UNEP), hindi lahat ng nasasabing biodegradable plastic ay talagang nabubulok lalo pag ito’y nasa katubigan na halos walang pinagkaiba sa regular na plastic bags na atin nang nakasanayan. Ang sa akin lang nama’y kung ipagbabawal lahat ng uri ng plastic ay dapat na rin itong ipagbawal.
Ngunit batid ko din naman ang hinaing ng mga mamamayan dito sa atin para sa usaping ito. Kung susumahin kasi, mas magastos at hindi nakakagaan para sa ilan ang paggamit ng mga eco-friendly na gamit tulad ng mga eco bag, paper boxes at iba pa dahil sa ang mga ito ay may kamahalan. Hindi naman provided ng mga pamilihan ang mga ito, ay sinisingil na dagdag gastos at pasakit para sa mga mamimili.
Ang punto ko lang naman dito na kailangan kong ipabatid ay, kailangan pa ba nating hintayin ang itinakdang simula ng nasabing ordinansa para tayo’y kumilos o gumawa ng hakbang para sa ikabubuti at kapakanan ng ating lungsod maging ang ating kalikasan? Bakit hindi natin magawang sumunod sa mga alituntunin at maging responsible sa lahat ng ating mga ginagawa? Kailangan na nating simulan ang pagkilos at sanayin ang ating mga sarili habang maaga pa. Dapat nating isaalang-alang na ginawa itong batas hindi dahil lang sa pansariling kapakanan ng ating gobyerno kundi para sa kapakanan ng pangkalahatan.
Kailangang magsagawa ng sapat na pagsasaliksik ang mga liderato kasama ang mga ahensyang humahalili sa batas na ito para mas maging malinaw at mas maintindihan ng lahat kung ano nga ba ang tunay na kahalagahan ng mga ganitong bagay na ating pinapalaganap.
Lagi nating tatandaan na walang saysay ang ating mga magaganda at makabuluhang batas kung wala itong maayos at matinding implementasyon na manggagaling sa ating gobyerno, pero mas magiging walang pakinabang itong mga batas kung walang kooperasyon ang bawat mamamayan na bumubuo sa ating lipunan. ROMELO DUPO III, UC Intern

Tinig ng Bayan

Amianan Balita Ngayon