GAMPANIN NG MGA MAGULANG UPANG MATUTONG MAGBASA ANG MGA BATA, BINIGYANG-DIIN NG DEPED

BAGUIO CITY

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na malaki ang papel ng mga magulang
upang matuto ang mga bata na magbasa. Ayon kay Dr. Armi Victoria Fianga-an, English-Education
Program Supervisor ng Schools Division Office (SDO)- Baguio, mas magandang maglaan ang mga magulang ng kahit kaunting oras upang maturuan o makausap ang kanilang anak ukol sa pagbasa.

“The mere fact na magassign tayo ng few minutes, kausapin natin ang ating mga anak … baka maaari nating itanong ‘may binabasa ba kayo ngayon? Tungkol saan ang binasa ninyo?”si Fianga-an. Sinabi niya na malaking bagay din kung may nakikita ang mga bata na maaaring basahin sa kanilang bahay gaya ng dyaryo. Kung walang mabasa na libro o dyaryo, maaari aniyang gamitin ng mga bata ang kanilang gadget pero kailangang gabayan sila ng kanilang mga magulang.

“Maximize ang gamit ng gadget sa reading pero dapat guided. We can make use of the cellphone for reading purposes basta guided. If we do it in a guided manner, I think it would help,” aniya.
Inihayag naman nito ang kanyang pasasalamat sa mga magulang na pumupunta sa mga paaralan at nagboboluntaryo na magpabasa sa mga learners.

Mayroon ding mga magulang na nagdo-donate ng reading materials. Aminado si Fianga-an na may learning gaps partikular sa pagbabasa lalo na sa panahon ng pandemya kaya isinasagawa ang mga reading programs sa mga paaralan, kabilang na riyan ang obserbasyon ng Reading Month ngayong Nobyembre. “We have this so that at least, it will be the guide of the schools in trying to target ‘yung
ating learning gaps in reading ..based sa test assessment result, nakita natin during the pandemic and recovery na may mga naiiwan pa rin and this is the answer to that,” si Fianga an.

Nilinaw naman nito na rati nang ginagawa ang iba’t ibang reading program pero pinalalakas lamang nila sa pamamagitan ng iba’t ibang programa. Kabilang sa mga programa ng DepEd-Baguio upang masuportahan ang implementasyon ng mga reading programs ay ang “Mag-aaral Mo, Pabasahin Mo”, Project LAMPARA, Tara Basa Program, summer reading programs, reading clinic, at iba pa.

Patuloy din ang pagbibigay ng SDO ng technical assistance sa mga guro lalo na sa mga kinder teachers partikular na sa pagbasa. Matatandaang idineklara ng DepEd ang Nobyembre bilang National Reading Month upang maitaguyod ang pagbasa at mahasa ang literacy skills ng mga bata at kabataan. Ang tema ng obserbasyon ngayong taon ay PAGBASA: Pag-asa sa MATATAG na
Kinabukasan.

(DEG-PIA CAR)

TUPAD

Amianan Balita Ngayon