GAYUMA NG GAHAMAN

ILANG TULOG na lang, atin ng malalaman kung ano ang direksyon ng Baguio sa mga susunod na taon. Ang halalang local ay sa Mayo-a-dose pa, ngunit papainit na ang mga salpukan ng mga nagnanasang maglingkod. Ano nga ba ang gayuma ng darating na eleksyon at halos hindi magkandaugaga ang mga kandidatong alam naman natin ay lampas isang taon na kumakampanya? Ngayon nga ay taong 2025 at binibigyan tayong mga manghahalal ng pagkakataon na balangkasin ang mga susunod na panahon, sa direksyon ng mga pinuong ating pagkakatiwalaan. Bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos alam naman natin ay buong taon ng pumailanlang ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibinging pakinggan. Sabi ng mga Punong Abala okey lang daw.

Kasama iyan sa laro ng pulitika. Na kapag ang halalan ay ilang linggo lamang,- — at sa isang lingo pa ang pormal na salpukan para sa mga local na nagnanasang makapaglingkod – ay lalong umiigting ang bangayan, ang siraan, ang pagbalahura sa mga nakagisnang kaugalian kapag eleksyon na. Ito na ang pagkakataon na dapat lang na higpitan pa ang mga patakaran Bigyan ng liksyon ang mga tahasang bumabalahura sa mga panuntunan. Ang pagiging bulag sa mga ganitong paglapastangan sa mga alituntunin ay garapalang wawaldasin ang pagkakataon na magsilbi. Ilang beses na ba sa kasaysayan ng pulitika ay laging nananaig ang mga pag-uugaling dapat ng iwaksi. Ang sabi nga, ang ating inihahalal ay nasa sa ating mga kamay – kailanman ay hindi sa mga nagnanasa na magsilbi.

Tanging karapat-dapat lang ang isusulat sa balota. At kung mayroon man ayudang ipinamumudmud, tanggapin. Iyan ay galing hindi sa
sariling bulsa ng mga kandidatong garapal. Ipinamumukha lamang na mayroon silang pusong mapagbigay, pero buwis natin iyan na pinagpaguran, pinaglaanan ng hindi-mabilang na mga araw ng walang kapagurang pagtratrabaho. Pawis, luha at dugo ang katumbas ng pera na iyong tinatanggap. Walang utang na loob ang dapat mong pasalamatan. Kadalasan nga naman, ang mga pangakong napakatamis
pakinggan ay lagi na lamang mga katagang niwalang halaga ng maihalal na. Hindi ba’t atin ng dinaanan ang mga karanasan ng siphayo at sigalot? Hindi ba’t ang mga katagang binitiwan ng buong katapatan ay naging bulang sumahimpapawid upang muli at muli ay hugutin sa
kaulapaan?

Kailan pa kaya tayo matututo? Kailan pa kaya mangingibabaw ang mithiing hindi na tayo matanso sa pagpili ng kandidatong hindi iiwas sa mga pangakong binitawan. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. At higit sa lahat, Karakter. Nasa mga kumakandidato ba ang mga katangiang magbibigay dangal sa mga posisyon na inaasam-asam? Ating uulitin, hanggang sa manigas ang mga daliri sa pagbalangkas ng ating pagpapahayag: Ito ang mga katangiang dapat na bigyang mataas na pagpapahalaga sa panahon ng eleksyon. Ang batayan ng mga
karapat-dapat ay wala sa ngalan na maaaring nakaukit sa pananaw. Ating uulitin upang madaling iukit sa ating kamalayan.
Karanasan. Kakayahan. Katapatan. Karakter. Ang mga kumakatawan ba sa ating pagtangkilik ngayong eleksyon ay sumasalamin sa mga katangiang ito? Anong uri ng karanasan ang kanyang dinadala?

Ano ang hugis ng kakayahan ang masasalamin sa kanila na ating makikilatis sa panahon ng pagpili? Ang basehan ang ating masasaliksik upang makasiguro na sa kaibuturan ng ating pagkakakilanlan ay siya na nga ang karapat-dapat na kakatawan sa ating mga simpleng
pangarap? At ang huling basehan, Karakter, ang siyang magpapahiwatig kung ano ang direksyon na tatahakin at kakatawanin, upang mapatunayan na nasa kaniya at Karanasan, Kakayahan, at Katapatan. Nasa kanya ba ang Karakter? Baguio, gumising ka at huwag
ibalahura ang kasaysayang hitik sa pagmamahal, mapagsilbihan ka lang ng tapat.

Amianan Balita Ngayon