LA TRINIDAD, BENGUET – Hindi naapektuhan ang supply ng gulay sa tinaguriang Vegetable Salad Bowl ng bansa sa kabila ng nararanasang frost.
Iniulat ng mga magsasaka na iilang taniman lamang ang naapektuhan ng frost sa lalawigan, ani Augusta Balanoy ng Benguet Vegetable Farmers Marketing Cooperative.
Ang frost ay naramdaman sa Madaymen sa bayan ng Kibungan at ilang taniman sa mga sitio ng Nangayangan at Nalicob ng parehong bayan, ayon sa ulat ng mga magsasaka.
Sinabi ni Balanoy na hindi gaanong naapektuhan ang ibang taniman bunsod ng malalakas na hangin na tumatangay sa frost o yelo na namumuo sa dahon ng mga gulay sa umaga.
Ang frost na nagdudulot ng pagkalanta ng mga dahon ng gulay ay nararanasan sa ganitong panahon sa malawak na taniman ng mga gulay sa hilagang bahagi ng Benguet.
Noong Pebrero 15 ay umabot sa 0 degree Celsius ang temperatura sa mga matataas na lugar sa lalawigan.
Ayon sa mga lokal na magsasaka, ang malakas na ihip ng hangin at hamog din ang lumalaban sa namumuong frost sa Barangay Cada sa bayan ng Mankayan, Benguet, ani Balanoy.
Sinabi niya na pareho ang nangyayari sa Barangay Lam-ayan sa bayan ng Buguias.
Ang mga taniman na nasa matataas na bahagi ng Barangay Paoay, sa Atok ang naapektuhan ng frost bite. Ngunit nilalabanan ito ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagdidilig sa kanilang tanim nang maaga.
Walang epekto sa supply ng gulay.
Minimal lamang ang naging epekto ng frost bite sa mga taniman ng gulay kaya wala itong epekto sa supply, paniniguro ni Balanoy.
Ang Benguet ang nagsusuplay sa tinatayang 85 porsyento ng kabuuang vegetable consumption sa buong bansa.
Sa kabuuang 33,000 ektarya ng taniman ng gulay sa northern Benguet ay wala pa sa isang porsyento ang apektado ng frost, ani Balanoy.
“The presence of frost does not, in any way, sway the volume of daily supply of highland vegetables,” giit nito.
Ngunit inamin ni Balanoy na ang epekto ng frost ay nararamdaman ng indibidwal na magsasaka bagaman hindi ito ramdam sa kabuuan ng industriya.
Ang mga gulay gaya ng repolyo na maaari nang anihin ngunit naapektuhan ng frost ay inaani at inuuri bilang second class mula sa mga naaning first class. “Meaning, not zero production,” ani Balanoy.
Ang mga bagong tanim na karot at patatas na apektado ng frost ang pinakamalalang maaaring mapinsala na kung hindi madiligan nang maaga ay kailangang magtanim nang panibago ng mga magsasaka.
Kaya umaasa ang mga magsasaka sa kagawaran ng agrikultura na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mataas na kalidad na binhi o punla at mga water pumps para sa pagdidilig ng mga magsasaka.
Ayon sa lokal na tanggapan ng Pagasa, ang nararanasang malamig na panahon ay maaaring magtagal hanggang sa katapusan ng Pebrero. May ulat si Ace Alegre / ABN
February 18, 2017
February 24, 2017
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024