BAGUIO CITY – Makalipas ang mahigit isang taon, natukoy na ng pulisya at inaantay na lamang na ilabas ang warrant of arrest para hantingin ang pumatay sa prominenteng Muslim leader na si Imam Bedejim Abdullah, noong Disyembre 2018, sa siyudad na ito.
Nabatid kay City Director Police Colonel Allen Rae Co, ng Baguio City Police Office, naisampa na nila ang kasong Murder noong Enero 6, laban sa nakilalang gunman na si Joselito Fernando Vidad, matapos kilalanin sa nakuhang CCTV footage ng isang witness ang identity ng suspek.
Noong Disyembre 6, 2018, dakong alas 11:00 ng umaga si Imam Abdullah ay naglalakad patungo sa kanyang opisina na Discover Islam Baguio, ay malapitan at patalikod na pinagbabaril ito ng suspek ng pitong beses, gamit ang cal.45.Ang baril ay narekober sa may Maharlika Liveihood Center, na itinapon ng suspek.
Agad na binuo ang Special Investigation Task Group -Bedejim na kinabibilangan ng piling imbestigador ng CIDG, SOCO,Station 7, Intelligence unit at BCPO Operations, na siyang magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa kaso.
Si Bedejim, ay kilalang mabait at respetadong Muslim leader na sumusuporta sa kampanya ng lungsod sa peace and order. Miyembro siya ng Peace and Order Council sa BCPO at Police Regional Office-Cordilera.
Ayon kay Co, nagtungo sa Station 7 ang witness noong Disyembre 19 at positibong kinilala ng witness na si Vidad ang gunman na nakita sa CCTV footage. “Ibinulgar din nito ang cash reward na P50,000 kapalit ng buhay ng biktima, pero hindi tinukoy kung sino ang mastermind.”
Ayon pa kay Co, mga angulo ng love triangle, business, personal grudge, religious altercations ang tinutukan sa imbestigasyon para alamin ang motibo sa pagpatay.
Nanawagan din si Co, sa mga mamamayan na tulungan ang pulisya na matukoy ang kinarororoonan ng suspek para sa hustisya ng biktima. Si Vidad ay napag-alaman na isang professional hired killer.
Zaldy Comanda/ABN
May 10, 2025
May 10, 2025
May 10, 2025