Guro, kalaboso sa pag-post ng porn video ng bata

DAGUPAN CITY, PANGASINAN – Inaresto ang isang guro mula sa San Carlos City ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 28 dahil sa diumano ay pag-upload ng child pornography materials.
Kinilala ni NBI-Dagupan City chief Dante Bonoan ang suspek na si Wilfredo Ballesteros Jr., 29 anyos, na inaresto sa kanyang tahanan matapos ang isinagawang paghalughog ng NBI agents sa bisa ng isang search warrant.
Nakuha mula sa tahanan ng suspek ang mga laptops, cellphones, hard drive at flash drives na naglalaman ng hinihinalang pornographic materials at internet memory stick.
Hindi na inihayag pa ni Bonoan ang paaralan na pinapasukan ng naturang guro, upang protektahan ang reputasyon ng paaralan.
Aniya, ang Cybercrime Office ng Department of Justice sa Maynila ang nag-alerto sa kanila tungkol sa gawain ni Ballesteros.
Mayroon ding mga reklamo kontra sa supek na diumano ay nagpapamahagi ito ng child pornography materials sa mga tao, maging sa kanyang mga kaibigan.
Sinabi ni Bonoan na maaaring si Ballesteros ay matagal nang nasa ilalim ng surveillance dahil sa pag-upload nito ng pornographic materials sa ilang katao.
Aniya, ang pagkakakuha ng pornographic materials sa mga pag-aari ni Ballesteros ay maituturing na isa nang krimen.
“Since the suspect is a school teacher, we would like to find out if those in the pornographic materials were his female students or if he had abused any of them,” aniya.
Iniimbestigahan pa ng NBI ang mga nakumpiska kay Ballesteros bago magpila ng kaso sa paglabag sa anti-child pornography law, na may kaugnayan sa anti-crime cyber law.
Ani Bonoan, ang pinakamataas na parusang maaaring ipataw sa naturang krimen ay reclusion perpetua o life imprisonment. LEONARDO MICUA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon