Gurong binaril ng biyenan, patay

CAMP DANGWA, BENGUET – Dahil sa kalasingan, isang guro ang nabaril at napatay ng kanyang biyenan, dahil sa pagwawala nito sa kanilang bahay sa bayan ng Cabugao, Apayao, ayon sa ulat na natanggap ng Police Regional Office-Cordillera, La Trinidad, Benguet.
Kinilala ang biktimang si Jaime Tamayo Enciso,45, na nagtamo ng tama ng bala ng baril na agad nitong ikinamatay, samantalang ang suspek na nagtatago ngayon ay nakilalang si Peter Patayan, 68, isang retired government employee.
Sa imbestigasyon ng Cabugao Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong 12:40 ng hapon ng Marso 29 sa bahay ng biktima sa Sitio Sta Pukaw, Poblacion, Cabugao, Apayao.
Nasa impluwensya umano ng alak ang biktima nang dumating sa kanilang lugar para sunduin ang kanyang asawa sa bahay ng biyenan. Sa hindi malamang dahilan ay tatlong beses na pinagbabato ng biktima ang bahay ng biyenan at dito nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Sa inis umano ng biyenan, may kinuha ito sa loob ng kanyang kuwarto at lumabas ng bahay at sinundan ang biktima sa bahay nito at binaril. Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente.
Naisugod sa Cabugao District Hospital ang biktima, subalit idineklara itong dead on arrival. Narekober naman ng Cabugao MPS sa crime scene ang isang basyo ng bala ng Cal.45. Zaldy Comanda / ABN

Amianan Balita Ngayon