Halalan 2022, nawa’y maging malinis, maayos at mapayapa

Editorial

Noong 2016 national at local elections ay naitala ang isang pinakamataas sa kasaysayan na bilang ng mga nagpila ng kandidatura sa pagka-pangulo ng Pilipinas na umabot sa 130.

Nitong katatapos na pagpila ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 elections ay umabot sa 97 ang nagnanais na pumalit kay Pangulong Rodrigo Duterte, mataas pa rin ang bilang kung tutuusin.

Ilan sa mas kilalang pangalan na sasali sa karera sa pagka-pangulo sa 2022 ay kinabibilangan nina Senator Ping Lacson, Senator Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, Vice President Leni Robredo, dating presidential spokesman Ernesto Abella, at dating defense chief Norberto Gonzales. May 29 personalidad din ang nagpila ng COC sa pagka-bise presidente kabilang ang ilan na kilalang pangalan gaya nina Senate President Vicente Sotto III, Senator Christopher “Bong” Go, Senator Francis “Kiko” Pangilinan, House Deputy Speaker Lito Atienza, at doctor na si Willie Ong.

Sa pagka-senador ay 176 ang nagpila ng kanilang COC habang 270 party-list groups naman ang nagsumite ng kanilang mga nomido. Para sa kinatawan ng distrito ay 733 ang nagpila, sa governor ay 281, vice governor ay 226, board member ay 1,951, pagka-mayor ay 4,486 ang nagpila habang sa vice mayor ay 3,968 at sa konsehal ay 35,636 ang nagpila ng kanilang COC.

Sa ngayon ay masasabi nating hindi pa ito ang tunay na larawan at bilang ng mga kandidato dahil maaari pa itong magbago hanggang Nobyembre 15 na itinakda ng COMELEC na deadline ng substitution ng mga kandidato. Susuriin pa ng maige ng COMELEC ang mga kandidato upang matiyak kung sino ang mga “panggulo” o “nuisance candidates” na dapat tanggalin sa listahan.

Dahil dito ay bababa sa iilan na lang ang mailalagay sa balota.

Lahat ng mga kandidato ay iisa ang pangunahing dahilan sa pagtakbo – nais nila ng pagbabago. Tuwing halalan na lang ay pagbabago ang isinisigaw na panligaw sa mga botante, at susundan pa ng “tuloy ang laban”. Pero kung ating iisipin ay maitatanong natin, ano ba ang nais nilang baguhin at ano ba talaga ang kanilang ipinaglalaban? Sa mga personalidad na tatakbo ay matatanto na natin ang kanilang iba’t-ibang layunin sa pagtakbo base sa kanilang mga pahayag sa mga patalastas at press releases, gayundin ang kanilang mga reaksiyon at pananaw sa mga isyu – lalo na sa kanilang mga katunggali.

Nakakadismaya na rin ang mga personal na atake at lumilitaw na tila paghihiganti lamang ang nais at hinanakit kaya gagawin ang lahat upang hindi na makabalik ang isang kandidato sa Malakanyang. Sa kabila ng sigaw ng ilan na nais nilang pagkaisahin ang mga Pilipino subalit taliwas naman sa kanilang mga gawa at mga pahayag.

Sa mga official at informal surveys (kalye surveys) ay tuloy-tuloy at napapanatili ng isang kandidato ang kaniyang pangunguna, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, sa kabila ng matinding paninira at hindi pagbibigay ng masyadong exposure sa mainstream media. Marahil kung ngayon ang botohan ay tiyak na ang panalo ng kandidatong ito.

Ngunit alam natin na marami pa ang maaaring mangyari sa hinaharap at maaaring magbago sa isang iglap ang katotohanan dahil lamang sa isang makina na gawa ng tao at kayang manipulahin ng tao.

Papasok tayo sa isang makasaysayang halalan dahil sa pandemya at sa pagpili ng bagong lider ay maaaring tumahak tayo sa isang panibagong direksiyon para sa ating bayan.

Tinatantiya ng ilang manunuri sa politika na maaaring magkaroon ng isang minoridad na gobyerno dahil sa dami ng tatakbong Presidente kaya mahahati umano ang mga boto.

Magiging maliit lamang daw ang agwat na maaaring maranasan ang pinakamasama sa pulitikang elektoral ng bansa mula sa tradisyunal na paggamit ng marahas na intimidasyon at pagbili ng boto sa makabagong pamamaraan ng pag-aarmas sa social media.

Tiyak na magiging mahirap ang darating na halalan kaya kailangan nating maging mapakialam sa mga pangyayari, sa ipinakitang pagpupursige ng mga bagong nagparehistro upang makaboto ay nakikita nating mulat na ang Pilipino sa karapatan nila sa pagboto at kahalagahan ng isang boto nila.

Magiging mahirap ang gampanin ng mahahalal na bagong Pangulo ng bansa dahil sa dagok na dulot ng pandemya sa COVID-19, subalit nananalig pa rin tayo na magiging maayos ang lahat, at ito magsisimula sa ating pagluklok sa tamang lider na kailangan natin at ng ating bansa.