Half rice ordinance sa Baguio, aprubado na

Aprubado na ng konseho ng lungsod ang half rice ordinance na inihain ni Vice Mayor Edison Bilog.
Lahat ng business establishments sa Baguio na nag-aalay ng pagkain sa publiko gaya ng food chains, restaurants, hotels, inns, canteens, eateries, at mga kagaya nito ay kinakailangan nang magbigay ng kalahating tasa ng kanin bilang option sa kanilang menu na may katapat na presyo upang maiwasan ang pagkasayang ng kanin.
Ito ay bilang suporta sa RICE-ponsible campaign ng Philippine Rice Research Institute, Department of Agriculture upang makamit ang kasapatan ng bigas.
Nakatakda sa ordinansa na ang temang “Rice is Life” ng International Year of Rice ay nagpapakita ng importansiya ng bigas bilang pangunahing food source at hango mula sa pagkakaintindi na ang rice-based systems ay mahalaga sa food security, poverty alleviation, at improved livelihood.
Ang sukat ng half rice ay depende sa sukat ng isang tasang kanin na inihahain. Habang ang isang tasang kanin ay katapat ng 226.7 gramo o minimum ng 200 gramo sa bigat, ayon sa ordinansa.
Ang lalabag sa nasabing ordinansa ay magmumulta ng P1,000 sa unang paglabag; P3,000 sa pangalawang opensa; at P5,000 at kanselasyon ng business permit para sa ikatlong paglabag.
Ang paghahain ng mas kokonti sa minimum ng standard measurement ng half cup rice ay isang paglabag din sa ordinansa.
Ang ordinansa ay naka-angkla sa Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2015-06 ng dating secretary Mar Roxas.
Inatasan ang permits and licensing division ng mayor’s office, maging ang mga sangguniang barangay, na imonitor at ipatupad ang nasabing half-rice ordinance. ABN

Amianan Balita Ngayon