HALINA, HALIKA

ANO PA ANG HINIHINTAY NG PUSONG nagmamahal ng walang katapat? Simple lang naman, tapatan ang hingalo ng halina. Siya ay naghihintay. Siya ay nakakunot na. Isang linggo na lang, a-15 na. Pararaanin ba ang a-14 ng ganun
lang. Ni ha, ni ho walang wala? Eh ano kung may tampuhan? Bigyan ng daan ang pagkakasundo. Luwagan ang pusong matagal na ring natuyuan ng luha at pighati. Hindi ba’t Pebrero na tayo? Hindi ba’t Buwan na ng Pagmamahal? Huwag ng magpatumpik-tumpik at palayain na ang pusong nagsusumamo.

Ganyan din naman ang nagmamahal, ang lahat ay kaliligtaan, kalilimutan, isasantabi, mabigyan lang ng laya na muling pumintig para sa kinauukulan. Malamig pa naman ang panahon ngayon. Tanggapin ang kalamigan, ngunit iwasan ang panlalamig. Akuin ang sala kung sa iyo ang pinag-ugatan, ang pinaggalingan. Huwag hayaang
manatiling kimkim ang damdaming dahan-dahan ng nawawalan ng tibok at nasa. Ikaw rin, kapag ang puso ay naging tigang, walang tubig na makapagpapalambot. Ikaw rin ang lulunurin ng siphayo at lungkot.

Ikaw rin ang sa huli ay magsisisi. Kapag siya ang nanlamig, walang alab na magpapa-init ng nasugatang mga salita, ng pagkawala sa isipan at diwa. Sige na, ihayag na ang mga plano upang lalo pang umigting ang alab ng pagmamahala.. Sa mga magsing-irog, hayaan ng humulagpos ang damdaming lagi na lang kinikimkim, anuman ang mga kadahilanan. Sa mga mag-asawang ilang mga taon ding pinagsamahan ang siphayo at salimuot ng pagiging
nag-iisang puso, hayaan din na mailatag ang mga planong magbibigay ng panibagong kulay sa pagsasama, lalo’t kakailan lamang.

At maging sa mga magkasintahan pa lamang, huwag namang hayaan na ang mga simpleng hindi pagkakaunawaan ay magsisilbing mitsa ng tuluyang paglandas sa kakaibang direksyon. Nasa mga magsing-irog ang pagdiriwang ng lubos sa buwang inilaan para sa pagmamahal. Ngayong buwan, hayaang bigyan ng init, hayaang sabugan ng alab, at hayaang dampian ng katas ng pagmamahal ang anumang hiblang marupok naman ang pinag-uugatan. Anuman ang pagsasaluhan – tsokolateng pagsasabayan sa isang plato at tinidor, rosas na pinagpilian upang bawat saglit ay maipahiwatig ang bugso ng ligayang kay tagal ding sinusupil – hindi nararapat na tumbasan ito ng halaga, lalo na at
sinusukat ng pera.

Para sa mga hinahandugan, sapat na ang ala-alang sinisimbolo nito, ang makapagpahiwatig na lampas-langit ang rurok ng pagmamahal. Halina’t halika na. Muling namnamin ang gabing madilim. Hayaang mga bituin lamang ang
nagkaka-bugkos sa kalangitan upang muli at muli ay maghasik ng liwanag. Ikaw na nga ang aking Valetinang sinta! Ikaw na nga ang biglang laya na kay tagal ng kimkim ng damdamin at sinusupil ng pag-iisip.  Kung noong minsan ay muntik ng makawala hayaang makahulagpos, tahasang isantabi ang anumang siphayo ng pagkakalayo at pabayaang bigyang buhay ang damdaming ngayon ay kumakawala.

Bigyang daan natin ang agos ng unawaan at bigyang daan ang panibagong hininga ng pagkakasundo. Muling pakinggan ang mga katagang minsan ay namutawi mula sa mga labi na kay tagal ding umukit ng larawang
hanggang pagkakatanda lamang mararanasan. Kailanman,  ang  pusong naantig ay gigising din upang bigyang laya ang kay tagal ding nalimlim sa takip-silim ng buhay. Anuman ang panahon, anuman ang pagkakataon, titigil ang
agos ng buhay, hihinto ang mga dalamhating kay tagal ding kinimkim.  Muli at muli, ating ihiyaw ang ngalang kay tagal ding naibaon sa pagkalimot.

Muling isulong ang patuloy na usad ng kaligayahang nakatuon sa panginorin ang katuparan. Ngayong 2025 na, ulitin natin ang panawagan na bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos buong taon ay pumailanlang
ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibinging pakinggan. Tulad ng naihayag ko kamakailan lamang, mayroon tayong pagsusukatan ng pagpapahalaga sa anumang posisyong kanilang ninanasa. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. At  higit  sa  lahat, Karakter. Ito ang mga katangiang dapat na bigyang mataas na pagpapahalaga sa panahon ng eleksyon.

Ang batayan ng mga karapat-dapat ay wala sa ngalan na maaaring nakaukit sa pananaw. Ating uulitin upang madaling iukit sa ating kamalayan. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. Karakter. Ang mga kumakatawan ba sa ating pagtangkilik ngayong eleksyon ay sumasalamin sa mga katangiang ito? Anong uri ng karanasan ang kanyang dinadala? Ano ang hugis ng kakayahan ang masasalamin sa kanila na ating makikilatis sa panahon ng pagpili? Ang basehan ang ating masasaliksik upang makasiguro na sa kaibuturan ng ating pagkakakilanlan ay siya na nga ang karapat-dapat na kakatawan sa ating mga simpleng pangarap?

Sa aking pananaw, at ito ay aking buong pagpapakumbabang ipapahayag, ay doon ako sasapi sa mga may solidong katibayan ng karanasang makapaglingkod, kakayahang mangngibabaw sa anumang pagtitipon, katapatan ng
kalooban na ibuwis ang lahat, masilbihan lamang ang buong pangkalahatan sa higit na lebel ng kabutihan.  At ang huling basehan, Karakter, ang siyang magpapahiwatig kung ano ang direksyon na tatahakin at kakatawanin, upang mapatunayan na nasa kaniya at Karanasan, Kakayahan, at Katapatan. Nasa kanya ba ang Karakter na makapagsilbi sa taong-bayan ng walang pagkakimi at alinlangan? Itanong natin iyan sa mga nagnanasang makapagsilbi. Karapatan natin ito na walang bahidng pagkukunwari o hangaring umiwas.

Amianan Balita Ngayon