HALINA NG PAGTANDA

Kailanman hindi dapat ikabahala ang pagtanda. Eh ano kung nagkakaedad na? Walang sinoman o anupaman ang
makakapigil dyan. Lahat ng bagay, maging halaman, hayopat tao, ay dadaan sa anumang pagtanda. Pwera lang kung narating ng sinoman ang hangganan ng buhay. Pwera lang kung dinapuan ng karamdaman at nasa huling mga panahong ang dapat ipamalagi sa mundong ibabaw.

Pag dating ng panahon, pag tinawag ka na ng Maykapal, sunod ka na na lang. Hindi alintana anuman ang balakid.
Tatanda at tatanda din tayo ng walang pakundangan. Kaya hindi dapat bigyang balakid ang pagtanda. Kasama iyan sa inog ng daigdig at agos ng buhay. Higit ngang mabuti na tanggapin ang pagtanda at yakapin ang pagdating ng
humahampas na panahon. Bakit nga ba? Hindi ba’t ang pagdagdag ng edad ay katandaan na mayroon pang mga pagkakataon para maitama ang anumang kamalian?

Hindi ba’t ang pagtanda ay tanda na anumang hindi nagawa ay maaari pang mangyari? Hindi ba’t anumang
panahon ang naibibigay ay panibagong pagkakataon na mapunuan ang anumang pagkukulang kanino man? Isang biyaya ng pagtanda ay ang panahong nailahad upang muling makapiling mga mahal sa buhay ng matagaltagal pa.
Ang asawang may hinanakit. Ang mga anak na may tampo. Ang malalapit na kaibigang may kimkim na pagdaramdam o kaya ay hinanakit.

Maging silang kay tagal ng hindi nakakaniig at muling makikipag-isang damdamin tungo sa panibagong pagkikita.
Yapusin ang dalang biyaya ng pagtanda. Kailanman ay may halaga ang bawat panahon ng pakikipag-ayusan ng mga
relasyong naglalaho sa kawalan ng pagkakataon. Bigyang pugay natin ang mga kaisang puso na hinahagkan ng pagtanda. Mapalad silang mabibigyang kulay pa ang panahong ilalagi sa daigdig.

Ang pagtanda ay pagpapalawig ng panahong sasagwanin pa ang patuloy na daloy ng buhay. Isang bagong biyaya
upang madugtungan pa umiikling bigkis.

Amianan Balita Ngayon