Ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, o ang Republic Act 10591, ay isang batas na namamahala sa pagkakaroon, paggamit, at pagmamay-ari ng mga baril at bala. Naisabatas ito noong Mayo 29, 2013 at naging epektibo noong Enero 13, 2014 na pumalit sa Republic Act 8294. Ang RA 10591 ay linikha na may layuning isaayos ang pagmamay-ari ng mga baril sa Pilipinas upang mapahusay ang kaligtasan ng publiko at seguridad.
Hangarin ng batas na sugpuin ang pagkalat ng mga iligal nab aril at bala, na kadalasang ginagamit sa mga marahas
at kriminal na aktibidad. Sinisikap din nito na garantiyahan na ang mga legal na nagmamay-ari ng baril ay responsable sa kanilang mga baril at bala at gamitin lamang para sa mga lehitimong layunin. Isa sa pangunahing katangian ng RA 10591 ay ang pagtatatag ng isang centralized centralized firearms registration system sa ilalim ng Philippine National Police (PNP).
Sa sistemang ito ay kinakailangang irehistro ng mga nagmamay-ari ng baril na irehistro ang kanilang mga baril at bala sa PNP at i-renew ang kanilang rehistrasyon kada dalawang taon. Sa proseso ay may background check at mandatory training course sa responsableng pagmamay-ari at paggamit ng baril. Sa RA 10591 na ipinasa noong Hunyo 2013 ay pinapayagan ang mga sibilyan na magmayari ng baril na mula caliber 7.62 at pababa o mahahabang baril.
Subalit nang ipasa ang IRR noong 2018 ay nagkaroon ng ibang interpretasyon sa klasipikasyon ng mga baril at nagresulta sa pagsama ng probisyon sa IRR na ang pagmamay-ari ng baril ay dapat hindi tataas sa light weapons. Pinigilan nito ang mga sibilyan noon na magmay-ari ng mga mahahabang baril dahil ang mga ito ay nahuhulog sa mga high-powered firearms na ipinalagay sa IRR na may kapabilidad ng automatic discharge.
Nitong nakaraang linggo ay inamiyendahan ng PNP ang IRR ng RA 10951 at pinapayagan na ang mga sibilyan na magmay-ari ng mga semi-automatic rifles. Sinabi ng PNP na ang pagpayag ay magsusulong ng responsableng pagmamay-ari ng baril na taliwas sa pangamba ng marami na ang hakbang ng PNP ay maaaring magpataas sa mga insidente ng krimen sa bansa.
Depensa ng PNP na base sa talaan nila ay may halos 704,000 loose firearms at ang desisyon ay magbibigaydaan para sa police na hikayatin ang mga nagmamay-ari ng baril na irehistro ang kanilang mga semi-automatic na baril. Sinabi pa ng PNP na ang proseso na ang isang tao na sasailalim sa pagkuha ng isang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) kasama ang drug test at neuropsychiatric test ay isang garantiya na hindi mapupunta ang mga baril sa mga maling kamay.
Maaring maganda ang intensiyon ng PNP na amiyendahan ang IRR na sa pagpayag na magmay-ari ang mga sibilyan ng mga ganitong armas ay itaguyod ang responsableng pagmamayari ng baril. Subalit mula nang malikha ang batas noong 2013 na maliwanag naman ang mandato ay tila lumala pa ang paglaganap ng loose firearms at krimen. Sa madaling salita ay tila naging inutil lang ang batas. Kahit pa ilang ulit amiyendahan at pagandahin ang IRR ng nasabing batas kung ang pagpapatupad nito ay malamya naman ay wala ring patutunguhan ito.
Magandang balita ang bagong hakbang ng PNP para sa mga tumatangkilik ng mga baril at mga nagbebenta nito ngunit panibagong pangamba at pag-aalala para sa mga tutol at kalaban ng karahasan. May nakikita ba ang pamunuan ng PNP na may banta sa seguridad sa bansa at mistulang hinihikayat ang taong-bayan na mag-armas? Malakas ba ang pag-uudyok ng ilang nagnenegosyo na baril at ang masiglang pagkahilig ng ilang Pilipino sa baril at industriya ng baril?
Bakit nataon pa ang desisyong ito sa nalalapit na mid-term elections kung saan iniiwasan at ipinagbabawal ang mga pagdadala ng mga baril? Para kaninong interes ba talaga ang desisyong ito? Polisiya ng Estado ng panatilihin ang kapayapaan at kaayusan at protektahan ang mga tao laban sa karahasan, Kinikilala ring Estado ang karapatan ng mga kuwalipikadong mamamayan na depensahan ang sarili sa pamamagitan ng mga rasonableng pamamaraan upang itaboy ang dimakatuwirang pagsalakay at sa ganitong mga pagkakataon, ang paggamit ng mga armas (baril). Ang pagiging responsable sa pagmamay-ari at paggamit ng baril ay pananagutan ng sibilyan, ngunit ang pagpapatupad ng batas ukol dito ay mandato ng tagapagpatupad ng batas – anuman ang kahihinatnan ay pananagutan at sagutin nila.
March 9, 2024
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024
August 17, 2024