Hepe ng DPWH-CAR nanawagan huwag silang isama sa pamumulitika

LUNGSOD NG BAGUIO – Naging emosyonal si Department of Public Works and Highways (DPWHCAR) chief Tiburcio Canlas matapos makatanggap ang DPWH ng mga kritisismo sa ginagawang rehabilitasyon ng Baguio Convention Center (BCC).

Sinabi ni Canlas na nahuhusgahan sila ng mali ng mga tao na nais lamang bumatikos ngunit ayaw namang alamin ang tunay na sitwasyon sa BCC. Nalulungkot siya kung paano na lamang sila atakihin dahil sa umano’y mahinang disenyo ng Convention Center.

Ipinaalala ni Canlas na bago ang trabahong rehabilitasyon sa BCC ay sumailalim sa isang kasunduan ang DPWH at pamahalaang lungsod ng Baguio sa ilalim ng nakaraang administrasyon ni dating mayor Mauricio Domogan at inumpisahan sa ilalim din ng nasabing pamamahala.

Isang technical working group (TWG) ang nilikha para sa layuning tingnan ang trabaho sa rehabilitasyon. “Agreements have been done with the contractor in charge of the rehabilitation works,” aniya. Pinayagan ng DPWH na magamit ang BCC para sa selebrasyon gn Baguio Charter Day noong Setyembre 1, 2019 kahit hindi pa ito tapos.

Ngunit nagulat na lamang sila na binabatiks sila dahil sa “mahinang” sitwasyon ng BCC. Hindi pa tapos ang rehabilitasyon dahil ang taget na completion ay sa 2020. “Saan ka ba naman nakakakita ng pinapagamit yung isang pasilidad habang under rehabilitation?” tanong niya.

Sinabi ni Canlas na ang mga komento at batikos sa kasalukuyang rehabilitasyon ay dapat ipukol sa tamang lugar at tao sa TWG. Kung nais nilang basta baguhin ang mga bagay na kontradiksiyon sa mga kasunduang ginawa sa kontrata ay maaaring ihabla ng contractor ang DPWH, nangangamba siya habang nanawagan na huwag sanang isama ang ahensiya sa mga political na galaw ng mga hindi niya pinangalanang tao.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon