Koleksiyon ng real property tax mula Beneco pinag-aaralan

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagpanukala si Vice Mayor Faustino A. Olowan na magsagawa ng isang executive legislative meeting upang talakayin ang posisyon ng pamahalaang lungsod kung itutuloy o hindi ang pagkolekta ng real property taxes sa mga electric poles ng Benguet Electric Cooperative (Beneco).

Ginawa ni Olowan ang panukala sa deliberasyon ng isang liham mula Beneco na ipinagbibigay-alam sa lungsod na ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), ang asosasyon ng 121 rural electric cooperatives sa bansa ay nagpila ng isang petisyon para sa adoption ng new set of rules upang mapahintulutan ang pagpasa ng real property tax sa mga consumers ng local governments na nagpapatupad ng koleksiyon nito sa electric
cooperatives na nakatengga ngayon sa Energy Regulatory Commission. (ERC).

Sinabi ni city assessor Maria Almaya Addawe na base sa nakuhang datos ay may utang na ang Beneco sa pamahalaang lungsod na umabot na sa PhP21 milyon real property tax para sa mahigit 3,000 electric poles mula 1991 hanggang ngayon.

Sinabi ni Olowan na mas mabuti para sa mga opisyal ng lungsod na talakayin ang bagay sa mga kinauukulang opisyal ng Beneco sa isang executivelegislative meeting upang mapakasunduan ang mga tama at angkop na hakbang upang mahadlangan na maipasa ang hindi nakolektang real property tax sa electric poles sa mga consumer na kalauna’y dahilan ng pagtaas sa power rate para sa mga comsumer na sakop ng lungsod.

Ayon kay Beneco corporate legal counsel Delmar Carino, walang component sa kasalukuyang power rate ang sinisingil sa mga consumer kaya sa oras na obligahin ng pamahalaang lungsod ang Beneco na bayaran ang hindi nabayarang real property taxes, mapipilitan ang Beneco na ipasa ito sa mga consumer sa lungsod o mag-apply ng isang pagtaas ng power rate upang masakop ang ipinatupad na real property taxes sa electric poles nito.

Sa ngayon ay pinaguusapan pa ng ERC ang mga merito ng petisyon ng PHILRECA ng mag-isyu ng kaukulang set of rules upang mapahintulutan ang electric cooperatives na ipasa sa consumers ng local governments na magpapatupad ng koleksiyon ng real property taxes mula sa real estate properties ng electric cooperatives.

Subalit sa oras na maconvert ang Beneco sa isang stock cooperative at mairehistro ito sa Cooperative Development Authority (CDA) ay magiging exempted ito sa imposition ng taxes kung makakauha ito ng isang certificate of exemption mula sa CDA upang mahadlangan ang local govenrments sa pag-assess at pagkolekta ng real property taxes mula sa rural electric cooperative.

Ang Beneco ay isang rural electric cooperative na nakarehistro sa National Electrification Administration (NEA) alinsunod sa Presidential Decree (PD) No. 269 na lumikha sa NEA at rural electric cooperatives upang makatulong sa pagsulong ng rural electrification program ng gobyerno at tumulong sa pagbibigay ng reliable power sa malalayong komunidad sa bansa.

Ang rural cooperatives ay itinuring na special type kooperatiba dahil ang distribusyon ng elektrisidad ay isang serbisyo na may handog na interes ng publiko kumpara sa ibang tipo ng cooperatiba na binibigyan-kahulugan sa ilalim ng old at revised CDA laws.

DAS-PIO/PMCJr.ABN

Amianan Balita Ngayon