Higit P27M para sa pagtatayo ng indoor sports complex

Hindi bababa sa P27 milyon ang kaillangan ng pamahalaang lungsod para sa pagtatayo ng multi-story indoor sports complex sa loob ng Baguio Athletic Bowl upang magsilbing lugar na pagdarausan ng mga local, regional, national at
international sports events na kung saan host ang lungsod at bilang training ground para sa mga lokal na atleta.
Sinabi ni Mayor Mauricio G. Domogan na ang nakahanda para sa naturang proyekto ay nasa P60 milyon pa lamang na inilaan ng local finance officers mula sa mga naunang budget ng lungsod.
Aniya, naghahanap pa rin ang mga opisyal ng pondo para sa balanse upang agad nang masimulan ang sports complex.
“We are grateful to the unwavering and uncompromising support being extended by our private sector partners to the sustainable development of sports in our city. We want to continuously improve our existing sports facilities and add up to the existing structures to allow Baguio City to continue to excel in the field of sports in various levels of competition,” pahayag ng mayor.
Sinabi nito na ang iminungkahing multi-level indoor sports building ay ipapatayo sa pagitan ng Baguio Athletic Bowl grandstand at ilang gusali ng Baguio City High School at nakaharap sa swimming pool upang magsilbi itong one-stop sports center para sa iba’t ibang larong pampalakasan.
Aniya, ang lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders ay maraming leksyon na matutunan mula sa hosting ng lungsod sa 2018 Batang Pinoy national championships kaya isa sa mga prayoridad na proyekto na ipapatupad ng lungsod ang maipatayo ang sports complex. Ito ay upang ang lahat ng sports competitions sa hinaharap ay gagawin na lamang sa iisang lugar.
Nauna rito, ang Department of Public Works and Highways-Baguio City District Engineering Office (DPWH-BCDEO) at ang lokal na gobyerno ay nagtulungan para sa multi-million na rubberized track oval project sa Baguio
Athletic Bowl na nagpataas sa tsansa ng lungsod na magsilbing host sa taunang Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) sa tatlong magkakasunod na taon at nagsusulong sa imahe ng lungsod bilang isa sa mga regional sports centers sa bansa.
Iginiit ng mayor na ang lungsod ng Baguio ay marami at nag-uumapaw ang mga talento sa larangan ng combative sports kaya kailangan ng lokal na pamahalaan na humanap ng paraan para makumbinsi ang mga atleta na sumubok ng iba pang disiplina sa sports upang manatili ang mga atleta ng lungsod na kinatatakutan ang kakayahan sa sports hindi lamang sa antas ng local at regional kundi maging sa national at international competitions.
Idinagdag nito na isa sa mga plano ng lokal na gobyerno upang makuha ang kinakailangang pondo ay ang direktang makipag-ugnayan sa national sports officials upang mag-abot ang mga ito ng funding support maliban sa paghahanap ng iba pang mapagkukunan ng pondo mula sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa hinaharap. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon