Patakaran sa pagtitinda ng bulaklak at kandila sa Undas, itinakda

Inilabas na ng City Treasurer ang mga patakaran para sa mga magtitinda ng bulaklak at kandila sa Jadewell Parking area sa Burnham Park mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1,2018.
Ang aplikasyon para sa mga interesadong magtinda ay mula Oktubre 16 hanggang 19.
Ang mga bayarin na nagkakahalaga ng P1,188 ay babayaran sa city treasurer’s office. Kabilang dito ang business tax, mayor’s permit, garbage and sewerage fees, electricity at para sa paggamit sa naturang lugar nang isang linggo.
Gaya ng mga nakaraang taon, ang aplikante ay dapat nasa legal age, bonafide resident ng Baguio at walang  nakaraang paglabag sa Oplan Kaluluwa.
Ang application forms ay makukuha sa Campaign and Investigation Division (CID); kailangan din ang dalawang kopya ng 2×2 picture, barangay business clearance, residence certificate/cedula official receipt ng residential garbage para sa 2018, at photocopy ng anumang valid identification card.
Ang aplikasyon ay “first come, first served basis”. Kailangang isumite ang application form nang may kompletong requirements sa CID para sa evaluation at stall number assignment; at kalaunan ay sa Permits and Licensing Office para sa iba pang dokumento.
Sa lugar ng pagtitindahan, ang itatayong mga tent ay kailangang magkakapareho ang sukat at kulay at kailangang
mapanatili ang kalinisan nito.
Ang special permit for selling ay dapat nakapaskil sa mga stall dahil mahigpit na ipapatupad ang “no permit, no selling policy”.
Hindi rin pinapayagan ang subleasing o swapping ng stalls; bawal ang pagluluto at pagsusugal sa naturang lugar.
May 15 stalls ang para sa magtitinda ng kandila; 22 stalls para sa potted flowers; 96 stalls sa cut flowers; at maaari din ang pagtitinda ng floral materials para sa arrangements.
May karapatan ang city treasurer na tanggihan ang mga susunod na aplikasyon ng sinumang lalabag sa mga patakaran. J.G.FIANZA / ABN

Amianan Balita Ngayon