HINAING AT HALINGHING

NITONG HULING mga araw, lalo na ang mga panahong ipinagdiriwang ang Panagbenga 2023, naging Reclamation City ang Baguio. Kasi naman, walang tigil ang mga reklamong kada segundo
ay hinihiyaw ng pinakamareklamong sambayanan. Kesyo, sinakop na ang Baguio ng mga turistang bata-batalyon ang dating, tila mga higanteng langgam na biglaang sumakop sa bawat metrong
kwadrado ng espasyong mapagkakasya ng katawan.

Kesyo, ang lungsod ay ipinamigay sa kanila, at tayong tagarito ay hanggang tingin na lamang, walang kurap, dedma. Teka, ano ba talaga ang pinagpuputok ng butse ng mga reklamador? Kung sa
sobrang dami, ayaw ba natin yun? Lahat ng gastusin dito sa atin nilulustay ang dalang salapi. Pera at pera nila iyon. Sa mga nagnenegosyo, bonanza di ba? Mga hotel na titirhan, Mga restoran ba kakainan, mga pamilihang bibilhan.

Kung bibilangin ang mga nakikinabang, magdamag kang magbibilang, wala pa katiting ang resulta.
Hindi ba’t noong panahon ng pandemya, ang turismo ang tinamaan ng bagsik at hagupit ni covid? Halos P5 bilyong piso kada taon ang sa isang iglap ay nawala. Halos 10,000 libong tourism workers nawalan ng trabaho. Pati ang Gobyerno ng Baguio, hanggang ngayon ay pinaluhod ng manalasa ang pandemya. Pondong pantustos naging hikahos. Nalikom na tulong galing sa nasyonal,
binawi pa at ngayon ay tiklop-tuhod na ipinanabalik.

Hindi matatawaran ang hirap na dinanas at dinaanan ng lahat. Ngayong umaayon na tayo, ngayong sumisigla ang napadapang turismo, ngayon naman tayong hindi magkaugagang inirereklako ang mga bisitang hinikayat na muling bumalik, muling maranasan ang ganda at gayuma ng Baguio.
Atin ng iwaksi ang mga asal ng pagrereklamong nakikiagos sa tubo ng dilang matatabil. Sa kabila ng mapanuring asal at ugaling balintuna, ituloy pa rin ang pagkilod tungo sa matagumpay na pagbangon. Angat Tayo Baguio. DyanTayoAasenso.

Amianan Balita Ngayon