HINGALO AT HINAING

ILANG ARAW ding pinalipas, iniwasang pansinin, kusang kinaligtaan. Pero tila yata kakaiba itong si Covid. Naghihingalo na, tuloy pa rin sya. Sisinghap-singhap na, sige pa rin sya. Ganito si Covid. Habang hindi sinisino, lalong sumisipa. Kaya naman, ang Ilan sa atin, kakaba-kaba.Habang ang iba, pa-dedma. Ano ba si Covid? Nitong nakaraang mga araw, biglaang bumangon ang akala natin ay sisinghap-singhap na kalaban. Ginulantang tayo ng tila pagbangon painat-inat. Ayun, sa kanyang pag-alsa, bumilang na naman ng pag-hawa.

Unti-unti, may mga kaso na namang naitatala. Kung noon, mas marami ang bokya, aba, kumurap lang, nagkaroon ng bagong mga kaso. Isa, tatlo, anim. Iisa ang Ibig ipahiwatig ng mga bagong kaso. Nandyan pa rin si Covid. Patuloy syang humahagupit. Sige pa rin syang sumasalakay. Hindi pa sya
tuluyan nalupig. Buhay pa at kumikitil ng buhay. Kasi naman, hindi na sya pinapansin. Kasi naman, higit na may halaga ang hanapbuhay. Natuon ang atensyon sa laban ng buhay.

Nariyan ang isyu ng pagmamahal. Presyo ng bilihin, ng bawang at sibuyas tuloy ang paghampas. Presyong hindi maibaba. Naiba tuloy ang kahulugan ng mahal sa buhay. At dahil sa pagmahal ng
halos lahat ng bagay, walang tigil din ang mga reklamong kada segundo ay hinihiyaw ng pinakama- reklamong sambayanan. Paano sasanggain ang tila mga higanteng langgam na biglaang sumakop sa bawat metrong kwadrado ng espasyong mapagkakasya ng katawan. Tanggap na lang sila. Ng buong sakit at hikahos. Tulad na lang sa isyu ng turismo.

Kesyo, ang lungsod ay pinasakop na sa thrusts, at tayong tagarito ay hanggang tingin na lamang, walang kurap, dedma. Ang hindi makatiis, labas ng lungsod, doon naghihinagpis. Teka, ano ba talaga ang pinagpuputok ng butse ng mga reklamador? Kung sa sobrang dami, ayaw ba natin yun? Lahat ng gastusin dito sa atin nilulustay ang dalang salapi. Pera at pera nila iyon. Sa mga nagnenegosyo, bonanza di ba? Mga hotel na titirhan, Mga restoran ba kakainan, mga pamilihang
bibilhan. Kung bibilangin ang mga nakikinabang, magdamag kang magbibilang.

Hindi ba’t noong panahon ng pandemya, ang turismo ang tinamaan ng bagsik at hagupit ni covid?
Halos P5 bilyong piso kada taon ang sa isang iglap ay nawala. Halos 10,000 libong tourism workers nawalan ng trabaho. Pati ang Gobyerno hanggang ngayon ay pinaluhod ng manalasa ang pandemya. Pondong pantustos naging hikahos. Nalikom na tulong galing sa nasyonal, binawi pa at ngayon ay tikloptuhod na ipinanabalik. Hindi matatawaran ang hirap na dinanas at dinaanan
ng lahat.

Ngayong umaahon na tayo, ngayong sumisigla ang napadapang turismo, ngayon naman tayong hindi magkaugagang inirereklako ang mga bisitang hinikayat na muling bumalik, ginayuma
upang muling maranasan ang ganda at halina ng bumabangon Baguio. Atin ng iwaksi ang mga
asal ng pagrereklamong nakikiagos sa tubo ng dilang matatabil. Sa kabila ng mapanuring asal at ugaling balintuna, ituloy pa rin ang pagkilos tungo sa matagumpay na pagbangon. At si Covid, na akala natin ay hilahod ng patuloy sa hukay? Okey lang na muling pansinin ng may pangamba.
Ganyan sya, tuso at mapanganib. Tuloy ang laban. Tuloy ang pag-Ingat. Angat Tayo Baguio .
DyanTayoAasenso.

Amianan Balita Ngayon