Hit and run sa West Philippine Sea, dapat imbestigahan

Daplis Walang Mintis Opinion

May “Hit and Run” din sa dagat? Meron! Saan? Doon sa Rector Bank ng West Philippine sea! Ganern? Sinong binangga? Fishing vessel mismo ng mga Pinoy. Eh, sinong bumangga? He he…ano fe?

Di ang barko ng China kasi sila lang naman ang nariyan, di ba? Anong nangyari? Papalubog na ang pobreng pangisdang barko ng mga Pinoy pero hindi sila sinaklolohan.

Iniwan sila ng Chinese vessel. Grabe naman yan! Mahahighblood kang di oras sa naturang eksena. Makakasakal ka, pards. Hinayaang kakawagkawag ang mga mangingisdang Pilipino at nangunyapit sa papalubog nilang sasakyan upang makaligtas.

Akala natin sa pelikula lang nangyayari ang eksenang yan sa dagat. Totoo palang may “hit and run” talaga maski sa dagat. Kinumpirma kamakailan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na nakaangkla ang F/B Gimver 1 nang mabangga ng bangka ng China kamakailan.

Gabi ito nangyari at imposibleng hindi nakita ang bangka ng mga Pinoy dahil puno ito ng ilaw dahil nangingisda nga. Aabot sa 22 tripulante at mangingisda ang sakay ng nadisgrasyang bangka.

Mariing kinondena ni Lorenzana ang hindi man lang pagsaklolo ng Chinese boat sa mga Pilipinong sakay ng bangka matapos nilang mabangga ito.

“We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene abandoning the 22 Filipino crewmen in the mercy of the elements,” upak ni Lorenzana.

Hindi daw ito ang inaasahang aksiyon mula sa isang kaibigang bansa kung responsibilidad ang timbangan.

Sa kanilang agad na pag-alis sa lugal ng insidente, parang sinadya nilang hayaang mamatay ang mga kawawang tripulante. Kung baga sa praktikal na pananaw, pagpapakita ito ng “kawalang puso at damdamin” ng mga hinayupak na mga… mahirap lang lang magsalita.

Ilang ulit nang nagasgas ang mga isyu tungkol sa nangyayari sa West Phil. Sea. Marami na ang mga isinasangkot sa mga kontrobersiya riyan. Marami na ang ipinilang hinaing.

Pero hanggang sa sinusulat ang espasyong ito, gusot pa rin. Para tayong bumabangga sa malaking bundok. Marami na ang humihiyaw na “lumaban na tayo…ngipin sa ngipin”. Pero
hindi man tayo, bungi o bungal, di kaya ng ating mga ngipin ang laban. Higante ang Tsina. Ga-surot lang tayo kung kaya’t sa latag-usapan na lang tayo.

Kalma lang, sabi nga nila. Baka lalong lumalala ang situasyon kapag umalma tayo ng balibagan. Baka sa isang iglap lang, tunaw na ang Pilipinas, pangamba ng ilan.

Yan din ang pahapyaw noon ni Pangulong Duterte, na talagang wala tayong laban kung magkakagiyera o magkakagulo. Balikan nga natin ang nagnggagalaiting si Defense Secretary Lorenzana.

“We condemn in the strongest terms the cowardly action of the Chinese fishing vessel and its crew for abandoning the Filipino crew.

This is not the expected action from a responsible and friendly people,” dagdag niyang daplis.

So sa nangyaring yan sa West Philippine Sea, ano sa palagay niyong dapat agad na gawin? Gaya ng upak ni Lorenzana, dapat ay magkaroon ng pormal na imbestigasyon sa insidente at ang pagtutulak ng diplomatikong hakbang upang hindi na maulit ang nangyari.

Buti na lamang, mga pards at may dumaang barko ng Vietnam sa lugar na nagligtas sa 22 mangingisdang Pilipino. Sa layo at delikadong lagay ng mga mangingisda, kung walang dumaang barko ng Vietnam baka hanggang sa ngayon ay pinaghahanap pa sila.

Vietnam, salamat at mabuhay kayo! Mga may kagagawan sa nangyari, makonsiyensiya naman kayo!