HOUSE BILL 3267 TINALAKAY SA ISINAGAWANG PUBLIC CONSULTATION

BAGUIO CITY

Nagsagawa ang Regional Development Council – Cordillera Administrative Region (RDCCAR) ng Public Consultation para muling talakayin ang House Bill 3267, o kilala rin bilang An Act Establishing the Cordillera Autonomous Region, na ginanap sa Dumol Hall sa Beneco headquarters, South Drive, Baguio City noong Abril 11. Sa pitong mambabatas na nagsusulong ng HB, tanging sina Baguio City Rep. Marquez Go, Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang, at Mountain
Province Rep. Maximo Dalog, Jr. ang nakadalo.

Kasama rin nila sila Dir. Susan Sumbeling Regional Director, NEDA-CAR; Assistant Regional Director ng NEDA-CAR Stephanie F. Christiansen, at Atty. John Ray Libiran. Naroon din ang mga
kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at civil society organization sa rehiyon.
Idinaos ang talakayan para sa publiko na may layuning mapabuti ang pagkakaunawaan sa pagitan at ng lahat ng partido sa pamamagitan ng pagbibigay ng forum para sa mga pananaw ng mga residente ng Cordillera ukol sa House Bill 3267 na marinig ng gobyerno at iba pang “stakeholder”.

Ang HB 3267 ay muling inihain sa 19th Congress noong Agosto 8 ng nakaraang taon. Ang panukalang batas na ito ay naaprubahan ng parehong Committee on Local Government at ng Committee of Ways and Means, at naipasa na sa Committee of Appropriation. Ang panukalang batas na ito ay inihain na ng 6 na beses sa nakaraang dalawang dekada at sinubukan maprubahan.
Hangad nito na maitatag ang Cordillera Autonomous Region.

Ang panukalang batas ay naglalayong magpatibay ng isang epektibong pampulitikang entidad, nagtadhana ng batayang istruktura ng pamahalaan bilang pagkilala sa pundamental at Konstitusyonal na karapatan ng mga Cordilleran sa pagpapasya sa sarili at ang pagtupad sa kanilang tungkulin na protektahan, pangalagaan at paunlarin ang kanilang patrimonya at kultural na pamana, at ang pagkamit ng makabuluhan at mabisang pamamahala.

Kate Juri Castañeda-UB Intern/ ABN

Amianan Balita Ngayon