Huwag muna tayong pakampante at baka malusutan na naman tayo

Editorial

Noong Mayo ay idineklara ng World Health Organization (WHO) ang Delta variant na “variant of concern” (VOC). Ginagamit ng WHO ang pagtukoy kung nakikita nito ang mga ebidensiya na ang isang Covid variant ay mas madaling makahawa na nagdudulot ng malubhang sakit, ng mas malalang mga sintomas o binabawasan ang pagiging mabisa ng mga bakuna o gamutan na tunay na banta sa pampublikong kalusugan.

Ang WHO lamang ang maaaring magsabi kung anong variant ang variant of concern. Ang kinakatakutang Delta variant ay unang natuklasan sa India noong Oktubre 2020 at mula noon ay mabilis na nahigitan ang ibang mga strain at maging pinakamabilis na makahawang variant ng Covid. Sinisisi ang variant na ito bilang pangunahing dahilan ng biglang pagdami ng mga kaso hindi lamang sa Asia Pacific kundi pati na rin sa United Kingdom.

Ang Delta variant ang kasalukuyang pinakamalaking banta sa pagpupursige ng mundo na lipulin ang Covid-19. Sa ngayon, ito ay kumakalat sa halos 100 bansa na nag-uudyok sa mga gobyerno na magpatupad ng mga bagong lockdowns.

Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ng Delta variant at habang sinusulat ito ay iniulat ng DOH na may karagdagang bagong 12 Delta variant strains na may kabuuang 47 – 36, kabilang ang 12 naidagdag ay gumaling habang tatlo na ang namamatay at walo ang aktibong kaso.

Ayon sa ulat ay may clustering na ng Delta variant cases ang nakita na maiuugnay sa ibang local cases, kaya nagpapakita ng local transmission. Nasa 24 sa kabuuang 47 ay returning overseas Filipinos at 22 local cases habang isang kaso ay titnitiyak pa kung lokal na kaso ito o isang ROF.

Isa pang nakakabahala ay mas bumabata na ang mga nahahawa ng sakit gaya ng isang bagong-silang na sanggol na siya na ang pinakabatang biktima ng Covid sa Pilipinas na namatay tatlong araw makalipas na siya’s isilang.

Mula nang mag-umpisa ang pandemya noong nakaraang taon ay dalawa na ang sanggol na namatay sa Covid habang isang 16-araw na sanggol ang nakaligtas.

Sa ulat ng OCTA Research nasa 11 local government units (LGUs) sa bansa ang tinukoy bilang “high risk” sa coronavirus disease (COVID-19) at base sa datos ang high risk areas ay ang Davao City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City, Makati City, Cagayan de Oro City, General Santos City, Baguio City, Taguig City, Laoag City, at ang munisipalidad ng Mariveles sa Bataan.

Binigyan pansin din ng OCTA ang malaking pagtaas ng new daily COVID-19 cases sa Manila City, Makati City, Baguio City, at Laoag City sa panahong Hulyo 14 hanggang Hulyo 20.

Sa pinakahuling monitoring nito ay ipinakita na ang bilang ng COVID-19 cases sa Manila ay umakyat sa 109 mula 82 sa nakaraang linggo. Sa Makati City ay umakyat mula 55 sa 74; sa Baguio City ay mula 49 sa 64 mga kaso; at sa Laoag City, mula 31 sa 55 mga kaso.

Magdadalawang taon na tayong makikibaka sa COVID-19. Minsan lumuluwag at nakakagalaw ng kaunti, ibinababa ng gobyerno ang mahigpit na mga restriksiyon upang makahinga tayo at ang ekonomiya – ngunit panandalian lamang dahil sa panibagong nakakatakot na banta ng Delta variant.

Ang biglang pagdami ng mga kaso ay tila mauulit dahil sa bagal ng pagtugon kahit pa maaga pa ay nakita na ito sa India, sa United Kingdom at sa mga kalapit nating bansa na Indonesia, Mayanmar at Thailand.

Ayaw na nating magtagal pa at mas marami pa ang magkasakit at mamatay, dahil hangga’t may mga umuusbong na bagong variant dahil hindi pa lubos na nababakunahan ang lahat o mas nakararami ay nababalutan pa rin tayo ng pangamba ng banta.

Dahil sa paglaganap ng Delta variant ay maaaring maapektuhan muli ang nakareserba nang mga bakuna para sa atin dahil baka maagaw pa ito ng mas mayamang bansa dahil sa matinding pangangailangan na ng bakuna na limitado pa rin ang nagagawang bakuna.

At habang hinihintay natin na nawa’y hindi mangyari ito at harinawa ay duamting ng mas maaga ang mga bakunang binili at inorder ng Pilipinas ay ano baa ng magagawa natin bilang ambag upang hindi lubos na makapagsamantala ang Delta variant?

Simple lang naman, sumunod tayo sa mga itinakdang health protocols, iwasan muna ang paglabas-labas na walang katuturan, huwag na munang magdaos ng malalaki at maramihang pagtitipon upang huwag tayong matulad sa Indiam sa Indonesia o Thailand na dahil sa pagtitipong panrelihiyon ay nagkaroon ng “super spreader” ng sakit.

Nakapagtiis na tayo ng mahigit isang taon, kaya pa natin sigurong magtiis ng kaunti pa…habang inuudyukan natin ang gobyerno at mga ahensiya na gumalaw naman ng mas mabilis at mas epektibo dahil baka malusutan na naman tayo ng virus. Huwag muna tayong pakampante.