Huwag pabigla-bigla sa pangangako

Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila’y nagsisigawa ng kasamaan. Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya’t kaunti lamang ang iyong maging salita. Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.
Kapag ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya’y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata. Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad. Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian.

Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay? Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.

ECLESIASTES 5:1-7

Amianan Balita Ngayon